Nagbitiw ng mga maaanghang na salita si Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez sa kaniyang online press conference nitong Sabado ng umaga, Nobyembre 23, 2024.
“P*****ina ninyong lahat! Bongbong Marcos, Liza Marcos, Martin Romualdez, ginigitgit niyo yung mga tao ko diyan sa envelope na ‘yan,” ani VP Sara.
Inihayag ng Bise Presidente ang kaniyang mga saloobin habang nananatili siya sa opisina ng kaniyang kapatid na si Davao First District Paolo Duterte upang samahan ang kaniyang chief-of-staff na si Zuleika Lopez na nakadetine sa Kamara matapos mabigyan ng contempt order noong Nobyembre 20, 2024.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order
Giit pa ng Bise Presidente, sinisira umano ng kampo ng First Lady ang pangalan ng kaniyang mga tauhan hinggil sa isyu ng kaniyang confidential funds, kahit na wala raw ebisdenya ang mga ito na magpapatunay sa mga alegasyon laban sa kaniyang opisina.
“Tapos sisirain niyo yung mga pangalan ng mga kasama ko sa Office of the Vice President. Sasabihin niyo sa mga tao, nakaw ‘yan, confidential funds ‘yan, wala nga kayong isang proof na confidential funds ‘yan,” anang Vice President.
Tinawag din ni VP Sara na tila isang “show” umano ang ginagawa ng House of Representatives na nagdudulot daw ng dahilan upang hindi raw magampanan ng OVP ang kanilang trabaho.
“Nagpipigil ako eh, kase gusto ko lang magtrabaho. Kase gusto ko lang tapusin niyo na yung p*****inang show niyo diyaan sa House of Representatives para makabalik na kami sa trabaho namin!” saad ni VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romualdez