Tila nadoble ang pagluluksa ng pamilya ng isang namatay na senior citizen na ililibing na sana mula sa Dasmariñas, Cavite matapos araruhin ng 14-wheeler truck ang karong kinalalagyan nito, na maghahatid sana sa huling hantungan noong Huwebes ng umaga, Nobyembre 21.
Ayon sa ulat ng TV Patrol ng ABS-CBN, nahagip sa CCTV na palabas na sa subdibisyon ang karo ng punerarya nang bigla na lamang sumulpot ang truck at nabangga ito.
Sa lakas ng pagkakabangga, nakaladkad pa umano ng truck ang karo hanggang sa mapahinto na siya. Kuwento ng drayber sa mga awtoridad, galing umano siya sa kurbadang kalsada nang bigla niyang makita ang prusisyon.
Nagpreno umano siya subalit hindi raw ito kumagat kaya wala na siyang nagawa. Nasukol naman siya ng mga awtoridad at sasampahan daw ng kaukulang kaso.
Dalawa naman sa mga makikipaglibing ang nasaktan subalit agad din namang naisugod sa ospital.
Naisaayos naman ang bangkay sa kabaong at naihatid sa huling hantungan.