December 22, 2024

Home BALITA

Sen. Go ukol kay VP Sara: 'Meron tayong working VP at hindi lang spare tire!'

Sen. Go ukol kay VP Sara: 'Meron tayong working VP at hindi lang spare tire!'
Photo courtes: Voltaire F. Domingo (Senate Social Media Unit)/via MB

Ipinagtanggol ni Sen. Bong Go si Vice President Sara Duterte sa mga kapwa senador kaugnay sa pagdinig sa 2025 budget ng Office of the Vice President ng senate committee on Finance na pinangunahan ni Sen. Grace Poe, Miyerkules, Nobyembre 13.

Personal na dinaluhan ni Vice President Sara Duterte ang pagdinig ng Senate finance committee para sa ₱733-million budget ng OVP na inaprubahan naman sa loob ng 10 minuto, matapos ang motion ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.

Sa pagdinig, umapela naman si Go na sana ay maibalik sa orihinal na budget ang OVP dahil daw sa iba't ibang programang ginagawa ng opisina; iginiit din ni Go na ang pangalawang pangulo ay hindi "spare tire."

"Ang daming programa na pilit sinasama sa mga Unprogrammed Funds na hindi na po nagagamit, winawalis na po dahil hindi nagagamit 'yong pondo," ani Go.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Nananawagan po sana ako sa mga kasamahan natin dito na sana po madagdagan o maibalik ang pondo po na naaprubahan sa NEP for 2025. Para naman po makapagtrabaho nang maayos ang ating Bise Presidente na parte po ng Executive Branch of the government. Para naman meron tayong working Vice President at hindi lang po spare tire," aniya pa.

"Kailangan ng bayan ang pagkalinga ng kanilang pamahalaan… Magtulungan na lang po tayo. Iyon na lang ang panawagan ko. Magtulungan tayo,” apela pa ni Go.

Pero paliwanag ni Poe, na-adopt lamang ng senado ang rekomendasyon ng House of Representatives dahil hindi nagpasa ng mga kinakailangang dokumento ang OVP, kahit ilang beses na silang nakipag-ugnayan sa kanila.

Sa kabilang banda, sinabi ni Poe na magkakaroon naman daw ng pondo para sa social programs ng OVP.

MAKI-BALITA: Budget ng OVP, aprub sa senado; mga senador, nagpa-pic kay VP Sara