October 22, 2024

Home FEATURES BALITAkutan

Hindi arte lang! Mga artistang nakaranas ng legit na kababalaghan

Hindi arte lang! Mga artistang nakaranas ng legit na kababalaghan
Photos courtesy: Matet de Leon (Facebook); Maricel Soriano, Beauty Gonzales, Glydel Mercado, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, Kylie Padilla, Ryza Cenon (Instagram); Rodjun Cruz (Facebook)

Sa mundo ng entertainment, kung saan ang mga tao ay patuloy na nahihikayat sa mga kuwento ng kababalaghan at katatakutan, hindi maikakaila na ang mga sikat na personalidad ay hindi ligtas sa mga paranormal na karanasan.

Sa kabila ng kanilang kasikatan at tagumpay, sila rin ay may mga kuwentong katatakutan malayo na sa lente ng camera. Mula sa mga boses na nagmumula sa dilim hanggang sa mga aninong tila nagmamasid, ito ang mga kuwentong nagbigay ng panginginig sa mga iniidolo ng nakararami.

Narito ang ilang kilalang personalidad sa Pilipinas na nagbahagi ng kanilang nakakatakot na mga karanasan sa sa noo'y magazine show ng ABS-CBN na "Rated K" gayundin sa entertainment website na "Philippine Entertainment Portal" o PEP:

1. Matet De Leon

BALITAkutan

BALITAkutan: Ilang lugar sa Pilipinas na binabalot ng kababalaghan dahil sa trahedya

Ayon sa kaniya, may isa siyang kaibigang pumunta sa kanilang bahay upang siya ay i-rebond. Pinapasok daw ito ng kanilang maid. Nag-rebond, nagluto at naghapunan na sila. Habang kumakain, sinabihan si Matet ng kaniyang kaibigan na ayain na nga raw ang isa pang kasambahay upang sumabay kumain sa kanila.

Sinabi ni Matet na isa lang daw ang kasambahay niya, akala pa noong kaibigan ay nagbibiro pa si Matet pero nang sabihin talaga na isa lamang ang kasambahay niya ipinilit pa rin ng kaibigan niya na may isa pa raw talagang katulong sa bahay.

Ayon sa kaibigan ni Matet, noong pagbuksan daw siya ng gate ay dalawang kasambahay daw ang sumalubong sa kaniya, ang isa ay tahimik lang na nakamasid sa kaniya—nang hindi na talaga mahanap agad binilisan na ng bisita niya ang pagkain at nagmadaling umalis. Ikinakilabot naman ito ni Matet.

Dagdag pa ni Matet sa panayam sa kaniya ni Korina, mahilig siya sa mga kuwento at palabas na katatakutan ngunit kapag siya na mismo ang nakaranas hindi niya raw kaya itong i-handle.

2. Maricel Soriano

Sa kanilang shooting ng pelikulang “The Heiress” na isang horror movie, ginampanan niya ang role ng isang mambabarang. Ayon kay Maricel, may hindi nakikitang nilalang na nakikialam sa eksena, namamaga raw ang kaniyang mga paa, nahihirapang maglakad dahil namimintig ang kaniyang binti at ika-ika kapag siya’y humahakbang. Hindi lang siya ang nakaranas nito kundi pati na rin ang direktor ng pelikula.

Nakailang take ng mga eksena dahil sa mga technical difficulties na nagaganap lalo na tuwing sumasapit na ang gabi. Maski ang audioman ay tila may naririnig na static sounds sa kanilang mga recording. Marahil ay nakakaistorbo raw sila kaya nagpaparamdam na ang mga kakaibang elemento.

3. Beauty Gonzalez

Bata pa lang si Beauty ay may bahay sila sa isang farm na malapit sa bundok, walang mga kapit-bahay—at pakiramdam niya ay laging may nakasunod sa kaniya. Ayon sa kuwento-kuwento ang farm na iyon ay dating tapunan ng mga bangkay kaya naman maraming ligaw na kaluluwa. Tuwing sasapit na ang gabi at maglalakad siyang mag-isa ay tila may mga nakasunod at nakamasid sa kaniya. Para matahimik na ang mga kaluluwa, napagpasiyahan nang magpatayo ng chapel sa farm na iyon.

4. Tonton Gutierrez

Habang ginagawa ang pelikulang “Dalaw”, may eksena sila ng kaniyang misis na si Glydel Mercado na nag-aaway sa isang bahay na may sliding door na yari sa Capiz. Nang matapos ang shooting ng eksena, pinapunta ng direktor ang lahat ng aktor sa editing area at pinapanood sa kanila ang video— may batang nakasilip ngunit sa pagkakaalala ni Tonton, wala namang bata sa shooting nang kunan ang eksena.

5. Gabbi Garcia

Ayon kay Gabbi nagguest siya sa AHA!—para sa isang Halloween special episode at dinala raw siya sa isang simbahan sa Bataan—kung saang pinaniniwalaang namatay sina Basilio at Crispin. Ang misyon niya raw ay nakasuot siya ng GoPro camera at papasok siya ng alas-tres ng madaling-araw sa simbahan ng siya lang mag-isa at walang kailaw-ilaw.

Hindi naman daw siya matatakutin dahil wala siyang third-eye, hindi rin naman daw siya lapitin ng mga multo. Sa paglipas ng oras ay nakaramdam na siya ng kaunting kaba kaya naman sumigaw siya. Aminado rin siyang medyo maingay siya.

Bigla namang sumara ang pintuan ng simbahan. Ang sabi ng spirit expert na kasama nila, nabulabog ni Gabbi ang mga kaluluwang ligaw na naroon sa lugar na iyon.

6. Sanya Lopez

Ang mommy raw ni Sanya ay kauuwi lamang at nagpasyang mag-ayos ng mga gamit sa kuwarto ni Sanya. Nakita raw siya ng mommy niya at sinabihang maligo na raw agad at hinihingi ang damit na suot niya— kailangan daw silaban at ibaon sa lupa. Kahit paborito niya pa ang damit na iyon ay sumunod na lamang siya sa ina na sunugin na ito.

Hindi naman ipinaliwanag ng mommy niya kung ano ang dahilan. Noong kumalma na ang sitwasyon, sinabi ng mommy niya na nakita raw siya nitong walang ulo na may masamang senyales tungkol sa kamatayan. Taga-Laguna raw sila kaya hindi na siya nagtaka kung bakit may mga ganoong pinaniniwalaan.

Nasundan pa ng isang beses na pangyayari sa pagkakataong ito nasa bahay lang ang mommy niya at noong napadaan siya sa salamin ay nakita na naman siyang walang ulo. Sinabihan siya ng mommy niya na magdasal at ginawa ulit ang proseso ng pagsunog sa damit at pagbaon nito.

7. Kylie Padilla

Ayon kay Kylie, pakiramdam niya ay may sumusunod sa kaniya habang pababa siya sa hagdan sa bahay nilang mala-mansyon sa Australia. Nang lingunin niya ito ay nakita niyang wala itong mukha at nakaitim ito na parang “ghost figure.” Ayon sa kaniya, dalawa ang nakita niya ngunit wala siyang sinabihan na kahit sino ng kaniyang nakita dahil nakakatakot.

Hanggang isang araw, ang nanay naman niya ang nakakita ng babaeng multo at isa pang beses na habang paakyat siya sa hagdan, may batang lalaki naman ang sumisilip sa kaniya; kasunod naman nito ay nagkuwento ang kaniyang lola na may nakita ring batang lalaki na naglalaro sa swimming pool.

Ayon daw sa kaniyang amang si Senador Robin Padilla, dating sementeryo raw ang bahay na tinutuluyan nila kaya naman may ghost family na naninirahan dito.

8. Ryza Cenon

Kuwento ni Ryza, habang natutulog daw siya sa kaniyang kuwarto, may tila biglang nagbukas sa pinto ng kuwarto niya—ang dami raw tao, nagsigawan, tumakbo at binagsak ang pintuan pagkatapos ay nagising siya.

Minsan naman daw ay tahol nang tahol ang aso niyang si Mallows, kaya inutusan niya ang kasambahay na kunin ang alagang aso, ngunit sinabi sa kaniya na nasa unang palapag ng bahay na raw ang aso at hindi naman tumatahol. Doon niya napagtantong hindi si Mallows ang asong naririnig niyang tumatahol.

Sa isa pang kuwento, may isang batang multo raw na pumasok sa kaniyang kuwarto at hinila ang buhok niya at may isa pang batang multo rin na nasa ilalim ng kaniyang kama at sinisipa ang kama para magising siya. Nainis na raw siya at sumigaw na pagod siya at nais magpahinga.

Isang beses naman daw ay pauwi na siya at pinaparada na niya ang kaniyang kotse, nakakita siya sa rear view mirror na may babaeng nakaputi at nakatingin sa kaniyang kuwarto sa itaas. Hindi siya natakot dahil sa tingin niya ay nanay niya raw ito at chinecheck lang siya kung safe ba siya.

Aminado si Ryza na may third-eye siya kaya siya nakakakita ng mga hindi karaniwang mga nilalang.

9. Rodjun Cruz

Kasama raw niya ang kaniyang tito na si Ricky Belmonte, ang mommy niya at kapatid niyang si Rayver. Nagsimba raw sila mga alas singko ng hapon, nagmamaneho raw ang kaniyang mommy at may nakaharang na kotse sa daraanan—hindi raw makalabas ang kotse na minamaneho ng ina. Akala nila ay nakaparada ito ngunit biglang umandar ang kotse.

Sumunod naman ang mommy niya ngunit tumigil na namang muli ang kotse. Pinasilip daw ito sa nagbebenta ng sampaguita, pero ayon dito wala raw tao sa nasabing kotse na nakaharang sa kanilang daraanan sa exit.

Kinilabutan daw sila, dahil nangyayari raw pala iyon. Paatras na lang sila na lumabas sa lugar na iyon. Pero dahil sa kuryosidad, muli nilang binalikan ang kinaroroonan ng kotse, subalit wala na ito sa lokasyong pinag-iwanan nila.

Ikaw, nakaka-relate ka ba sa mga artistang ito?

Mariah Ang