November 09, 2024

Home FEATURES Usapang Negosyo

Kahit maagang naulila: Pinoy dishwasher, nagsumikap; isa nang restaurant owner

Kahit maagang naulila: Pinoy dishwasher, nagsumikap; isa nang restaurant owner
Photo courtesy: Ludi's Restaurant (IG)

Hinangaan ang isang Pinoy restaurant owner sa Seattle nang ikuwento niya ang kaniyang pinagdaanan upang maabot ang tagumpay.

Sa ulat ng GMA Integrated News, ibinahagi nila ang kuwento ni Gregorio "Tito Greg" Rosas, isang Filipino immigrant na nagkaroon ng sariling restaurant na bunga umano ng kaniyang pagsusumikap bilang isang dishwasher noon.

Si Rosas ay isang ulilang lubos. Noong 1979, nakilala niya ang isang Jewish warehouse owner at dinala raw siya nito sa Amerika noong siya ay naninirahan pa sa Pilipinas. 

Upang makabawi sa kabutihang loob ng kumupkop sa kaniya, nagtrabaho si Rosas bilang dishwasher sa "The Turf," isang local restaurant sa Seattle na pagmamay-ari ng nabanggit na warehouse owner.

Usapang Negosyo

₱10 na kita kada pastil, paano nakatulong sa pag-aaral ng isang iskolar sa Maynila?

Makalipas ang ilang dekada; Taong 2021, ipinagkatiwala ng Jewish owner ang The Turf kay Rosas.

Subalit noong 2008, nagsimula raw mabawasan ang mga customer na kumakain sa restaurant dahil umano sa hirap ng buhay noon sa lungsod.  Pinalitan na rin ni Rosas ang pangalan ng restaurant at ginawang “Ludi’s” bilang pagbibigay-pugay sa nagngangalang "Aling Ludi," na matalik na kaibigan ng kaniyang ina noong ito'y nabubuhay pa.

“Malaki ang utang na loob ko kaya hinonor ko siya,” saad ni Rosas

Kuwento niya, si Aling Ludi ang nag-aruga noong siya ay naulila. Tinuruan din daw siya nitong magluto at ibinahagi rin daw sa kaniya ang mga secret recipes nito. 

Noong panahon ng pandemya, marami raw restaurants ang nagsara at kabilang dito ang isang Indian restaurant ng kaibigan ni Rosas. Aniya, inoffer daw sa kaniya na bilhin ang restaurant.

“Naapektuhan daw sila ng COVID kaya inoffer sa’kin,” litanya ni Rosas 

Dahil dito, nagkaroon ng panibagong branch ang Ludi’s sa 120 Stewart Street. Matapos ang pandemya, nakakuha raw ito ng suporta mula sa mga Pilipino roon at mga lokal. 

Ang kanilang Oxtail Silog, Kare-Kare, at iba pang paboritong almusal na silog meals ay patok daw sa mga customer. 

Bukod sa patok na silog meals, nakilala rin si Tito Greg dahil sa kaniyang pagtulog sa kapwa. Katulad na lamang noong gumastos siya ng $10,000 para tulungan ang isang ulilang waiter sa Maynila na mahanap ang ama nito.

Para sa restaurant owner, higit pa sa pag-asenso, mahalaga rin para sa kaniya na maibahagi ang tagumpay sa ibang tao.

Mariah Ang