November 09, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Biyuda ni Enzo Pastor na umano'y mastermind sa pagpatay sa kaniya, tinutugis na!

Biyuda ni Enzo Pastor na umano'y mastermind sa pagpatay sa kaniya, tinutugis na!
Photo courtesy: Screenshot from ABS-CBN News (YouTube)/GMA Integrated News (YouTube)

Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang panawagan ng mga magulang ng international car racing champion na si Enzo Pastor, na sina Tomas "Tom" at Remedios "Remy" Pastor, sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) na tugisin ang umano'y utak o mastermind sa pagpaslang sa kanilang anak, na naganap noong 2014.

Ang nabanggit na utak o mastermind ay sinasabing si "Dalia Guerrero Pastor," ang asawang nabiyuda mismo ng award-winning race car driver, na sinasabing nasa ibang bansa na ngayon, nagpakasal na ulit, at gumagamit ng pangalang "Amanda Maragit."

Muling nabuksan ang kaso sa atas ng Korte Suprema, ayon sa inilathala nilang pabatid sa kanilang website noong Oktubre 3, 2024, isang dekada na ang nakalilipas.

ANG MALAGIM NA PAGPASLANG KAY ENZO PASTOR NOONG 2014

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

Ayon mismo sa Korte Suprema at base na rin sa mga ulat, pinatay si Enzo Pastor habang nasa loob ng kaniyang minamanehong truck kasama ang mekanikong si Paulo Salazar, nang tumigil ang behikulo sa intersection ng Visayas Avenue at Congressional Avenue sa Quezon City noong Hunyo 2014.

Papunta umano ang dalawa sa Pampanga para kunin ang isang kotseng gagamitin sa isang car race.

Isang armadong lalaki ang biglang sumulpot at lumapit sa driver's seat ng truck at pinagbabaril si Enzo. Hindi naman binaril ang mekanikong si Paulo.

Napag-alamang ang gunman na kumitil sa buhay ng award-winning race car driver ay si Police Officer II Edgar Angel, at nasukol din ang isa pang co-conspirator sa murder na negosyanteng si Domingo De Guzman III.

Ang itinurong utak o mastermind ay si Dalia. Agad na naglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 91 laban sa kanilang tatlo, sa kasong parricide.

Parehong nakasuhan at nakulong ang dalawang unang nabanggit na suspek subalit si Dalia ay nagawang umapela sa Court of Appeals (CA). Sinasabi pang si Dalia raw at Domingo ay may "affair" kaya ito raw ang naging ugat ng umano'y pamamaslang.

Noong 2015, kinatigan ng CA ang petisyon ni Dalia na huwag siyang idawit sa kaso, at hindi nakitaan ng probable cause na ang biyuda nga ang mastermind sa pagpatay ng kaniyang sariling mister.

Ayon sa CA, hindi umano natukoy o sinabi ng gunman na si Dalia nga ang nag-utos sa kanilang paslangin ang mister nito. Wala rin umanong ebidensyang magpapatunay na kasama si Dalia sa pagpaplano ng murder plot.

Tuluyang naabsuwelto sa kaso si Dalia at sinasabing noong 2015, sa kumpirmasyon na rin ni Tomas Pastor sa panayam ng media, ay nakapagtatakang nagpagawa raw ng pekeng driver's license ang manugang sa Recto, Quiapo, Maynila sa pangalang "Amanda Cruz." Tumulak na raw pa-Indonesia si Dalia at nag-asawa ulit, kaya't ang identidad na raw ay "Amanda Maragit."

MULING NABUKSAN ANG KASO MAKALIPAS ANG ISANG DEKADA

Makalipas ang isang dekada o sampung taon, noong Oktubre 3, 2024, mababasa sa opisyal na website ng Korte Suprema na nakahanap sila ng probable cause laban kay Dalia sa naging pagpaslang sa kaniyang mister, at binabaligtad ang nauna nang desisyon ng CA.

Ito raw ay batay sa desisyon ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier.

Mababasa, "The Supreme Court has upheld the prosecution’s finding of probable cause and reinstated the arrest warrant and hold departure order against Dalia Guerrero Pastor (Dalia) as a co-conspirator in the killing of her husband, racer Ferdinand “Enzo” Pastor (Enzo)."

"In a Decision written by Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, the Supreme Court’s Second Division reversed the ruling of the Court of Appeals (CA) which had dismissed the criminal case for parricide against Dalia," dagdag pa.

Ayon sa Korte Suprema, nakapangalap sila ng mga ebidensya na si Dalia ay co-conspirator sa nabanggit na pagpatay. Nagsalita raw ang isa sa mga kasambahay nina Enzo at Dalia, na si Dalia raw ay may relasyon kay Domingo De Guzman.

Isa pang saksing nagngangalang "Alvin Nadua" na isang self proclaimed "gunman-for-hire" ang nagsabing nakipagkita sa kaniya sina Dalia at Domingo at inalok siya ng ₱200,000 para patayin si Enzo, subalit tumanggi si Alvin dahil masyado raw mababa ang halagang ito.

Nagbigay rin umano ng testimonya si Paulo Salazar, ang mekanikong kasama ni Enzo nang maganap ang aksidente, na batay sa kaniyang natatandaan, may ilang beses daw tumatawag sa kanila si Dalia nang mga sandaling iyon upang ma-track ang kanilang lokasyon.

Sapat na dahilan na daw ito para masabing kasabwat si Dalia sa malagim na pagkitil sa buhay ni Enzo, na ilang dekada na ring humihingi ng hustisya, kaya pina-reinstate nila ang warrant of arrest at departure order laban kay Dalia.

PANAWAGAN NG MGA PASTOR: HUSTISYA!

Sampung taon nang naghahanap ng hustisya ang mag-asawang Tom at Remy Pastor para sa kanilang anak na si Enzo, kaya kamakailan lamang, sa panayam ng TV Patrol ng ABS-CBN, ay umapela sila sa mga awtoridad na paigtingin pa ang paghahanap kay Dalia para mapauwi sa Pilipinas at harapin ang nakaambang kaso laban sa kaniya.

Saad ni Remy, bagama't mahaba na ang panahong naghahanap sila ng hustisya para sa anak, ay naniniwala pa rin silang matatapos pa rin ito.

Nasorpresa at masaya naman si Tom na kahit sampung taon na ang lumipas at tila nasa karimlan na ang pagkakamit ng hustisya para sa anak, narito ang tila liwanag na maghahatid sa kanila sa katotohanan. Umaasa raw sila sa tulong ng DOJ at DILG na sana raw ay mas mapabilis pa ang paghahanap sa dating manugang na sinasabing nagtatago na raw mula sa Indonesia at nagtungo pa sa Malaysia.

Umaapela rin sila kay Dali na mangyaring bumalik na siya sa Pilipinas at harapin ang nakabinbing kaso.

"We forgive the sinners, but there are consequences that you have to face," saad ni Remy.

TUGON NG DILG AT DOJ

Bilang tugon, nangako si dating DILG Sec. Benhur Abalos na tutulungan niya at ng ahensya ang mag-asawa upang matunton ang kinaroroonan ni Dalia.

"We would definitely help in finding Dalia Guerrero. I would ask [PNP] Chief Marbil to coordinate with INTERPOL," aniya sa isang ipinadalang pahayag sa ABS-CBN.

Nagbigay rin ng pahayag ang spokesperson ng Philippine National Police na si PCOL Jean Fajardo na makikipag-ugnayan sila sa ibang law enforcement agencies para matunton kung nasaan na nga ba ang dating biyuda ni Enzo.

Mababasa naman sa opisyal na website ng DOJ na inilathala noong Oktubre 7 na hindi pakakampante si DOJ Sec. Jesus Crispin Boying Remulla na walang ginagawa upang mahanap ang nawawalang akusado.

"The wheels of justice will not remain idle or passive now that the High Court has passed down its judgment, the DOJ will join our partner agencies in hunting down the mastermind of Enzo Pastor's murder," saad ni Remulla.

"We will also be working with our international counterparts to track down and extradite Dalia as soon as possible, ten years have passed and this is the time to prove that the present administration will do whatever it takes to get the job done at all costs," dagdag pa niya.

Nakipag-ugnayan ang Balita sa mag-asawang Pastor upang alamin ang panibagong updates at development sa kanilang mga susunod na hakbang subalit wala pang tugon mula sa kanilang kampo.

Wala pa ring updates mula sa mga awtoridad kung nasukol na ba si Dalia at kung nasaan ang kaniyang kinaroroonan.