Patuloy pa rin ang epekto ng shear line at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Oktubre 12.
Sa tala ng PAGASA dakong 4:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang shear line, o ang salubungan ng mainit at malamig na hangin, ng mataas na tsansa ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Cagayan.
Inaasahan ding magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Isabela, Aurora, at Quezon.
Posible raw ang pagbaha o kaya nama'y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Bicol Region at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Maaari rin magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o laban sa Philippine area of responsibility (PAR).