November 09, 2024

Home BALITA National

Akbayan, kinondena pag-acquit kina Enrile sa kasong plunder

Akbayan, kinondena pag-acquit kina Enrile sa kasong plunder
(Photo courtesy: Akbayan/FB; Mark Balmores/MB)

Tinawag ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na isang “major rollback” sa mahabang dekadang paglaban sa katiwalian ang naging desisyon ng Sandiganbayan na absweltuhin sina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dating chief of staff nitong si Gigi Reyes at negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel fund scam.

“This is a major rollback in our anti-corruption efforts, and a major comeback for pork barrel plunderers,”  ani Cendaña sa isang pahayag nitong Biyernes, Oktubre 4.

“It sends a disheartening message that those who have plundered our nation's resources can go unpunished,” dagdag niya.

Kaugnay nito, hinimok ng representante Akbayan ang pamahalaang ipakita ang kanilang determinasyon laban sa katiwalian sa pamamagitan umano ng pag-apela sa desisyon at pagtiyak na mananagot ang lahat ng sangkot sa pamamagitan ng iba pang mga legal na mekanismo. 

National

Giit ni Romualdez: Trahedya ng Bagyong Yolanda ‘di na raw dapat maulit

Dagdag ni Cendaña, dapat daw na palakasin pa ang anti-corruption institutions para maiwasan ang mga katulad na kawalang-katarungan sa hinaharap.

Matatandaang nito lamang ding Biyernes nang ipawalang-sala ng Sandiganbayan Special Third Division sina Enrile, Reyes at Napoles sa ₱172-million plunder case dahil sa “failure of the prosecution to prove their guilt beyond reasonable doubt.”

Hindi umano napatunayang nakipagsabwatan si Enrile upang magkamal ng ₱172.83 milyong kickback mula sa kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) gamit daw ang “ghost non-governmental organizations (NGOs) na nilikha ni Napoles.

MAKI-BALITA: Enrile sa pag-abswelto sa kaniya sa plunder: ‘I knew all along that I will be acquitted’

Taong 2014 nang isinampa ang kasong plunder na nag-ugat sa mga alegasyong nagkamal umano ang grupo ni Enrile ng ₱172 milyon mula sa PDAF sa pagitan ng 2004 at 2010.