October 03, 2024

Home FEATURES Balitang Pag-Ibig

National Boyfriend Day? Ilang viral wedding proposals na inulan ng Sana-all!

National Boyfriend Day? Ilang viral wedding proposals na inulan ng Sana-all!

Sa mundong puno umano ng red flags, may iilan pa rin naman daw na itatrato ka ng tama! Kaya naman ngayong National Boyfriend Day, narito ang ilan sa mga nag-viral na wedding proposals na talaga namang kinakiligan at inulan ng “Sana-all!”

LRT-1 wedding proposal (2023)

Noong Disyembre 2023, nang tila kainggitan ng ilang commuters ng Light Rail Transit (LRT) 1 ang isang pasaherong sinalubong ng isang wedding proposal ng kaniyang boyfriend pagdating niya sa isang estasyon.

Ayon sa panayam sa media ng magkasintahan, si Mark Magnaye at Wenzel Odono, susunduin daw sana ni Wenzel sa airport ang noo’y seaman na si Mark ngunit laking gulat niya nang siya ang sinundo ni Mark sa Bambang station ng LRT-1 at doon inalok ng matamis na oo para sa isang wedding proposal.

Balitang Pag-Ibig

Grade 12 graduate, umamin sa crush niya sa mismong graduation ceremony

Oath taking wedding proposal (2024)

Isang random video naman ang inupload na kuha ng isang TikTok user na si Miss Fatima kung saan tila sabay-sabay na lang na nag-sana-all ang ilang oathtakers sa loob ng Philippine International Convention Center (PICC) noong Hulyo, 2024.

Caption ng uploader, “Licensed and Engaged!!! Congratulations po! Sana all!”

Police trainee wedding proposal (2022)

Tila tanggal naman ang angas at tikas ng isang pulis matapos niyang lumuhod sa harap ng ilang police trainees sa South Cotabato upang sorpresahin din ang noo’y girlfriend na isa ring trainee noong 2022. Sa video na kumalat sa social media, animo’y nagpanggap pang parurusahan ng pulis ang kaniyang trainee na girlfriend habang nakapiring siya. Laking gulat ng kaniyang nobya nang tanggalin niya ng piring sa mata ay bumulaga sa kaniya ang isang wedding proposal tarpaulin habang nasa likuran niya ng police na kasintahan.

Hotel wedding proposal (2021)

Engrandeng wedding proposal naman ang hatid noon ni Martin Vizconde sa kaniyang girlfriend na tila naging Disney Princess nang sumalubong sa kaniya ang hitik na hitik na pulang rosas and fairy lights noong Disyembre 2021.

Sa panayam ng media sa magkasintahan, 12 taon na silang magkarelasyon noon ng girlfriend na si Madeline Dela Cruz nang mapagpasyahan niyang alokin siya ng kasal.

Shooting star wedding proposal (2020)

Literal na once in a lifetime experience naman ang naging wedding proposal noon ni Richmond Perez para sa kaniyang girlfriend na si Sandra noong 2020.

Ang diskarte kasi ni Richmond?

Limang araw niyang inabangan ang umano’y pagdaan daw ng shooting star na personal nilang nasaksihan ng kaniyang kasintahan sa Nueva Ecija, saba’y alok ng kasal sa kaniya. Nahagip sa larawan ng kaniyang proposal ang kaniyang pagluhod sa harap ni Sandra habang dumadaan ang isang bulalakaw.

Ilan lamang ito sa mga minsan nang nagpa-sana-all sa mga singles at nahopya! Kaya ang tanong, kapag dumating na si Mr. Right, anong dream wedding proposal mo?

Kate Garcia