October 05, 2024

Home BALITA

Indigenous People's Month, ginugunita ngayong Oktubre; ano-ano'ng pasabog?

Indigenous People's Month, ginugunita ngayong Oktubre; ano-ano'ng pasabog?
Photo Courtesy: NCIP Gov PH and NCCA (IG)

Tuwing Oktubre, ipinagdiriwang sa buong bansa ang Indigenous Peoples' Month alinsunod sa Proclamation No. 1906 na ipinalabas noong 2009. Ang proklamasyong ito ay layuning kilalanin ang natatanging kontribusyon ng mga katutubong komunidad sa ating lipunan at patuloy na itaguyod ang kanilang mga karapatan at tradisyon.

Ayon sa Facebook post ng National Commission on Indigenous People—ngayong taon, may temang "Pagpapanatili ng Kaalaman at Kulturang Katutubo Tungo sa Isang Makatarungan at Maunlad na Lipunan," ang selebrasyon ay hindi lamang nagbibigay-pugay sa mga katutubo kundi nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng pagpapanatili ng kanilang mga tradisyon at kaalaman. Kasabay ng mga modernong pagbabago sa lipunan, patuloy na pinagsusumikapan ng gobyerno at iba’t ibang sektor na tiyaking hindi mawawala ang mga pamana ng lahi.

Ang layunin daw ng Indigenous Peoples' Month ay palakasin ang kamalayan ng bawat Pilipino sa yaman ng ating kultura at kabihasnang katutubo. Tinatangkilik ang mga sining, wika, sayaw, at mga ritwal na nagbibigay-kulay sa ating kasaysayan at pagkakakilanlan bilang isang bansa.

Higit pa rito, pinapahalagahan din ang kanilang mga karapatang pantao at ang kanilang karapatang mamuhay ayon sa kanilang sariling kultura. Nakapaloob dito ang pagkilala sa mga ancestral domain ng mga katutubo, na siyang nagbibigay sa kanila ng tahanan at kabuhayan, pati na rin ang pagsisikap na maprotektahan ang kanilang kalikasan.

National

Davao Occidental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) namam ay nagpakita ng kanilang pakikiisa sa buwan ng mga katutubong Pilipino sa pamamagitan ng post kanina. Ang tema ng Dayaw ay “Katutubong Filipino: Pagtibayin ang Tagumpay 2030 na siyang may layuning bigyang pagkilala ang mga mahahalagang accomplishments at progress ng Northern Central at Southern Cultural Communities na nagbibigay pokus sa pag-sustain at pag-enhance ng tagumpay habang pinoprotektahan ang kanilang mga karapatan sa mga susunod na taon.

Ang Indigenous Peoples' Month ay isang pagkakataon upang alalahanin at ipagmalaki ang ating mga pinagmulan. Sa pamamagitan ng mga programa, talakayan, at pagpapakita ng kanilang sining at kultura, binibigyang pagkakataon ang bawat isa na makisalamuha, matuto, at magbigay-halaga sa mga katutubo bilang mahalagang bahagi ng ating bayan.

Bilang bahagi ng pagkakaisa, inaasahang isusulong ang adbokasiyang ito, hindi lamang tuwing Oktubre kundi sa pang-araw-araw na pamumuhay, upang ang mga pamana ng lahi ay hindi maglaho sa paglipas ng panahon.

Mabuhay ang ating mga minamahal na katutubo!

Mariah Ang