September 27, 2024

Home BALITA

Nanay ng nakaalitan ni John Amores, sumugod sa pulisya: ‘Sa halagang ₱4k papatayin niya anak ko?’

Nanay ng nakaalitan ni John Amores, sumugod sa pulisya: ‘Sa halagang ₱4k papatayin niya anak ko?’
Photo courtesy: screenshot from ABS-CBN News (X) and PBA Media Bureau

Napasugod sa Lumban Police Station si Shirley Cacalda ngayong Huwebes, Setyembre 26, 2024, na siyang ina ni Lee Cacalda, ang nakaalitan umano ni basketball player ni John Amores dahil umano sa hindi pagkakaintindihan sa isang liga noong Miyerkules, Setyembre 25, 2024.

Kasunod nang pagsuko ni Amores ngayong Huwebes, emosyonal na sumugod si Shirley sa tanggapan ng Lumban Police Station at mariin niyang inihayag na wala umano silang balak iurong ang kaso laban kay Amores.

KAUGNAY NA BALITA: PBA player John Amores sumuko sa pulisya; nahaharap sa kasong ‘attempted murder?'

“Itutuloy ko ‘yan! Bibigyan ko ng kadalaan ‘yang hambog na ‘yan! Mayabang talaga. Sa akin madadala ‘yan,” saad ni Shirley sa panayam sa ABS-CBN News.

National

'Kakasa ka ba?': VP Sara, hinamon ni Rep. Khonghun na magpa-lie detector test

Nanindigan din si Shirley na wala silang balak kausapin ang kampo ni Amores at pinagpapasalamat na lang daw niya na wala umanong nangyaring masama sa kaniyang anak.

“Wala akong planong kausapin sila. Ipinagpapasalamat ko sa Diyos talaga na walang nangyari sa anak ko,” giit ni Shirley.

“Nagpapasalamat ako, may nagsabi walang tama, walang nangyari. Pero nang makita ko yung CCTV, harap-harapan niyang binaril ang anak ko.”

Kuwento pa ni Shirley, magpapapawis lang umano dapat si Lee na limang araw pa lamang mula nang makababa sa barko, nang mangyari sa insidenteng muntik na umanong kumitil sa buhay ng kaniyang anak.

Kate Garcia