October 11, 2024

Home FEATURES

ALAMIN: Bakit may paniniwalang ‘malas’ ang Friday the 13th?

ALAMIN: Bakit may paniniwalang ‘malas’ ang Friday the 13th?
graphics by Mark Joseph Cabalang/BALITA

Ngayon ang isa sa mga araw kung kailan natapat ang petsang 13 sa araw ng Biyernes, o ang tinatawag na “Friday the 13th” na itinuturing sa ilang paniniwala na “malas.”

Ngunit bakit nga ba may pamahiing malas ang Friday the 13th?

Sa ulat ng CNN, ipinaliwanag ni Charles Panati sa aklat niyang “Extraordinary Origins of Everyday Things" na isa sa mga pinagmulan ng Friday the 13th ay ang biblical story ng “Last Supper” na dinaluhan ni Hesukristo at ng kaniyang mga disipulo noong Huwebes Santo.

Mula rito, ang ika-13 umanong dumating sa hapunan ay si Judas Iscariote, ang disipulong nagkanulo kay Hesus.

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

Biyernes Santo naman nang ipako sa krus si Hesus at namatay bago muling nabuhay makalipas ang tatlong araw.

Bukod dito, ilan pa umano sa mga dahilan kaya’t tinuturing na “malas” ang Biyernes ay dahil ito raw ang araw kung kailan kinain nina Adan at Eba ang pinagbabawal na prutas sa Puno ng Karunungan, ang araw kung kailan pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel, kung kailan bumagsak ang Templo ni Solomon, at ang araw nang maglayag ang arko ni Noah sa Great Flood. 

Sa ika-19 na siglo, naging kasingkahulugan din umano ng “misfortune” ang Friday the 13th.

Dahil sa naturang pamahiin na tila pinatagal na rin ng panahon, mayroong ilang naniniwala hanggang ngayon na kailangang magdoble ingat sa araw na ito dahil maaaring may masama raw mangyari.

Kaugnay nito ang nabuong termino noong 1911 na “paraskevidekatriaphobia” o ang pagkatakot sa Friday the 13th. 

Ang paraskevidekatriaphobia ay mula umano sa Greek words na "paraskevi" na nangangahulugang Friday, "dekatreis" na nangangahulugang 13, at "phobia" na nangangahulugang fear.

Sa kabila naman ng naturang pamahiin, may mga indibidwal pa ring nagsasabing hindi malas at hindi dapat katakutan ang “13” o ang “Biyernes,” dahil may dala rin umano ang mga itong swerte.

Isa na rito si multi-Grammy award-winning American singer at songwriter Taylor Swift na ipinanganak sa petsang December 13, 1989.

Sa isang panayam ng MTV kay Taylor noong 2009, ibinahagi niyang ipinagdiwang niya ang kaniyang 13th birthday sa Friday the 13th; naging “gold” ang kaniyang first album sa loob ng 13 linggo; may 13-second intro ang kaniyang unang No. 1 song, at tuwing nananalo raw siya ng award ay lagi siyang natatapat sa 13th seat, row o section.

Ikaw, ano ang paniniwala mo sa Friday the 13th?