May nakakakilala pa nga ba sa ikaapat na Presidente ng Pilipinas?
Taong 1990 nang naisabatas ang Republic Act 6953 bilang pagkilala sa mga nagawa ni dating Presidente Sergio Osmeña. Sa bisa ng batas na ito, idineklara na ‘special non working’ holiday ang buong lalawigan ng Cebu, habang ‘special working’ holiday naman sa buong bansa.
Maliban sa pagiging ika-apat na Presidente ng Pilipinas, si Osmeña rin ang itinuturing na Presidenteng may pinakamaikling panunungkulan sa bansa mula 1944-1946 matapos siyang matalo sa eleksyon ni Manuel Roxas. Si Osmeña ang pumalit sa binakanteng posisyon ni noo’y Pangulong Manuel Quezon noong ito ay pumanaw noong Agosto 1, 1944.
Kauna-unahang House Speaker ng Kongreso
Si Osmeña ang kauna-unahang at pinakabatang naging House Speaker ng Kongreso sa edad na 29. Siya rin ang pinakamatagal na nanungkulan dito mula 1907-1922.
Nacionalista Party
Taong 1907 din nang itatag ni Osmeña ang Nacionalista Party sa kasagsagan ng Philippine National Assembly. Ang Philippine National Assembly ay isinagawa upang magkaroon ng eleksyon sa mga uupong representante sa Kongreso upang pag-usapan ang paglaya ng bansa mula sa Estados Unidos. Kaugnay nito, ang pagkakatatag ng Nacionalista Party ay dinomina ang puwesto ng Kongreso na siyang nagpaigting sa partisipasyon ng mga Pilipino upang pangunahan ang liderato sa sariling bansa.
Kauna-unahang Pangulo na nagmula sa rehiyon ng Visayas
Si Osmeña rin ang kauna-unahang nagmula sa rehiyon ng Visayas na nagkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno. Taong 1906 nang maging gobernador siya sa Cebu at 1907 naman ng makatungtong siya sa Kongreso at naging House Speaker. Naging senador din siya sa loob ng 13 taon kung saan nahirang din siya bilang Senate President Pro Tempore. Taong 1935 naman nang siya ay maging Bise Presidente ng Commonwealth at 1944 nang tuluyan siyang maging Presidente ng bansa upang ipagpatuloy ang termino ni Pangulong Quezon.
Taong 1961 nang pumanaw ang dating Pangulo matapos atakihin sa puso sa kanilang tahanan sa Quezon City.
“As a people we have come of age. We must move forward, just and firm but merciful and humane, closely united, animated by the same social aspirations to happiness, bound together as a political state by the wise dispositions of our Constitution and our laws,” Sergio Osmeña, 1944.
Kate Garcia