January 15, 2025

Home BALITA National

Habagat, patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Habagat, patuloy na magpapaulan sa malaking bahagi ng PH
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Setyembre 7, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

National

Davao City, inungusan Maynila; pangwalo sa 'worst traffic city' sa buong mundo

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.

Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang kumpol ng ulap o cloud clusters sa silangang bahagi ng Luzon sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).

Bagama’t walang direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa sa kasalukuyan, hindi inaalis ng PAGASA na may mabuong low pressure area (LPA) sa naturang cloud clusters at maaari raw na maging bagyo sa mga susunod na araw.

Bukod dito, mayroon ding binabantayan ang PAGASA na isang LPA sa labas ng PAR, ngunit wala rin naman daw itong epekto sa bansa.