October 07, 2024

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

'Wow, mali!' Maling akala sa ilang mga tanyag na bayani ng Pilipinas

'Wow, mali!' Maling akala sa ilang mga tanyag na bayani ng Pilipinas

Madugo at marahas ang pakikibakang bumabalot sa kasaysayan ng bansa. Hinulma ito ng mga indibidwal na may magkakaibang paraan sa pakikipaglaban, ngunit may iisang layunin para sa kalayaan.

Sa kabila ng kabayanihang kanilang inilaan para sa bayan, may mga kuwento, haka-haka at pananaw na hanggang ngayon ay nasa bayan ni Juan. Mga tamang akala tungkol sa mga bayani, na halos naipasa sa iba’t ibang henerasyon. Mga paniniwalang nakaugat sa kultura at tradisyon ng bansa. Kagaya na lamang ng mga umano’y rebolusyonaryong edukado, mga digmaang napagtagumpayan, relihiyon at mga bayaning naging taksil sa lipunan at marami pang iba.

Sa muling paggunita sa Araw ng mga Bayani, narito ang mga maling akala o misconception na naidikit na sa kanilang pangalan:

1. Si Lapu-Lapu ay isang Muslim- Pinaniniwalaan na si Lapu-Lapu ay isang Morong mandirigma na umalma sa Kristiyanismong hatid ni Ferdinand Magellan. Subalit, sa tala ng isang Cebuanong anthropologist na si Jose Eleazar Bersales, hindi kailanman napasailalim ang Cebu sa impluwensya ng Islam. Ayon dito, si Lapu-Lapu ay isang pintadong mandirigma na naniniwala sa at sumasamba sa mga diwata at engkanto dahil ito ang pinakamalawak na relihiyon ng mga sinaunang Pilipino noong 16 siglo.

Mga Pagdiriwang

'Talpakan na!' Guro, nakatanggap ng manok na tandang mula sa pupils

2. Si Andres Bonifacio ay isang mangmang o walang alam (no read, no write)- Indio ang tawag ng mga Espanyol sa mga katutubo at ordinaryong mga mamamayan kabilang na si Andres. Napagpasa-pasahan na ang mga bersyon patungkol kay Andres Bonifacio bilang isang hangal at walang pinag-aralan. Sa magkakaibang bersyon ng mga historyador, sinabi nilang si Bonifacio ay isang mestizo at may kaalaman sa pagbasa at pagsulat. Ayon sa tala nina Jonathan Fast and Jim Richardson sa librong “Roots of Dependency: Political and Economic Revolution in the 19th Century” isinasaad nito na si Bonifacio ay mestizo. Iginigiit din nitong ang ina ni Andres na si Catalina de Castro ay isang Espanyol at ang kaniya namang ama na si Santiago Bonifacio ay isang Filipino. Samantala, patungkol naman sa kasanayan ng Supremo sa pagsulat at pagbasa, may bersyon ang awtor na si Synthia Mendez Ventura sa kaniyang akda na “Supremo: The Story of Andres Bonifacio.” Ayon sa kay Ventura, sa pagbasa at pagtatrabaho tumalas ang isipan ni Andres Bonifacio.

3. Si Emilio Aguinaldo ang primaryang nagdisenyo sa watawat ng Pilipinas- Ayon kay Julio Nakpil at Antonio Ricarte, si Feliciano Jocson na isang pharmacist ang unang naglapat ng disenyo ng watawat ng bansa. Dito hinango ni Aguinaldo ang disenyo noong siya ay ipinatapon noong sa Hong Kong noong 1898.

4. Si Melchora “Tandang Sora” Aquino ay kasapi ng Katipunan- Bagama’t isa si Tandang Sora sa mga dumalo sa pagpunit ng sedula at nagawa rin niyang suportahan ang halos primaryang pangangailangan ng mga rebolusyonaryong Pilipino, siya ay hindi isang Katipunera at hindi rin kasapi ng Kilusan. Kaisa siya sa mga naniniwala sa pinaglalaban at adhikain ng Katipunan. Sa kabila ng palihim na pagsustento nito sa gamot at nagsilbing tagpuan ng mga Katipunero sa kaniyang tahanan, hindi rin ito nailihim sa mga Kastila at isa siya sa mga ikinulong na may kaugnayan sa Kilusan.

5. Si Apolinario Mabini ang ‘Utak ng Rebolusyon’- Tamang isipin na si Mabini nga ang utak ng rebolusyon ngunit hindi siya parte ng marahas na pagkilos nito. Bilang paglilinaw, Si Mabini ang naging utak upang mas mapagtibay ang noo’y rebolusyonaryong pamahalaan ng Unang Republika ng bansa. Kasama ang Konstitusyon at estruktura nito bilang isang progresibong bansa. Katunayan sa kaniya mismong akda na La Revolucion Filipina, makikita rito na sa mas malalim pang dahilan at hindi sa pakikidigma ang tinitingnan ni Mabini kung bakit bumagsak ang rebolusyon.

“Revolution failed because it was badly led; because its leader won his post by reprehensible rather than meritorious acts; because instead of supporting the men most useful to the people, he made them useless out of jealousy. He judged the worth of men not by their ability, character and patriotism but rather by their degree of friendship and kinship with him; and anxious to secure the readiness of his favorites to sacrifice themselves for him, he was tolerant even of their transgressions,” hango sa Ingles na translasyon ni Ma. Guerrero noong 1969.

6. Si Macario Sakay ay isang tulisan- Si Macario Sakay ang kinikilalang huling Katipunerong sumuko sa kolonyalismo ng mga Amerikano. Ayon sa tala ng mga historyador, siya ay nagtago at pinanatili ang himagsikan. Bunsod nito, ipinakalat ng mga Amerikano ang propaganda tungkol sa umano’y mga krimen ng grupo ni Sakay bilang mga magnanakaw at mamamatay tao na nagtatago sa batas. Ipinakalat ito ng mga Amerikano sa mga Pilipino upang katakutan at hindi kupkupin ang puwersa ni Sakay. Ito ang naging dahilan kung bakit sa kabila ng kaniyang katapatan sa bayan, maraming mamamayan ang may pagtingin sa kaniya bilang isang tulisan.

Maraming kuwento ang hindi nalinaw ng mga bayani na isinama na nila sa hukay. Mga katotohanang tanging kasaysayan lamang ang saksi. May iba’t ibang bersyon man ang kasaysayan at mga bayaning naghulma nito, ito ay isang palatandaan ng isang daan na hindi na dapat lakaran. Dahil ang katotohanan at kasaysayan ay hindi puwedeng maging salungat sa kasalukuyan.

Kate Garcia