January 23, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Estudyanteng naputulan ng paa dahil sa sakit, gustong magkaroon ng prosthetic leg

Estudyanteng naputulan ng paa dahil sa sakit, gustong magkaroon ng prosthetic leg
Photo Courtesy: Screenshot from Hannah Jill R. Bato (FB), Freepik

Prosthetic leg daw ang hiling ng grade 8 student na si “Yuan Almase” na naputulan ng paa dahil sa pagkakaroon niya ng malubhang sakit. 

Matatandaang nag-viral si Yuan matapos ibahagi ng isang netizen na nagngangalang "Hannah Jill R. Bato" ang kaniyang video sa Facebook post nito.

Matutunghayan sa nasabing video na nagbibisikleta si Yuan papunta sa pinapasukan niyang eskwelahan.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Hannah, napag-alamang sa bandang Marikina raw niya nakita si Yuan.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

“Na-amaze po ako sa kaniya. Matagal din namin siyang nakasabay sa kalsada. Tapos no’ng medyo nagkalapit kami ng lane, do’n ko na po naisip na videohan siya para magsilbing inspiration din po sa viewers ko. Mahilig po kasi ako mag-film at baka sakaling makita ko pa siya ulit,” kuwento ni Hannah.

Bagama't hindi pa nagkikita nang personal ang dalawa, nagkaroon naman daw sila ng pagkakataong magkausap sa pamamagitan ng video call. 

Ayon kay Hannah, survivor umano si Yuan ng bone cancer at gusto raw nitong magkaroon ng prosthetic leg para makatulong sa pamilya. 

“Kinakailangan niya pa po muna magkaroon ng therapy session bago po siya tuluyan na makabitan po. Ang sinabi niya po sa aming amount na magagastos ay nasa 30k-40k po,” dagdag pa niya.

Pero bago pa man maputulan ng paa, dati na raw talagang siklista si Yuan. 

“2022 po nang maputulan siya,” ani Hannah.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na umano ng  ₱34,000 na donasyon para sa nasabing estudyante. Bukod dito, may nag-offer din daw na clinic na gawing libre ang prosthetic leg niya.

“‘Yong naipon namin imbes na pambili sana ng prosthetic leg ay magiging cash niya po. Nasa kanila po [ang] desisyon kung ano ang ibibili nila gamit ang pera na ‘yon,” sabi ni Hannah.

Nagpaabot naman si Hannah ng mensahe para sa iba pang kabataan. Aniya: “Lagi n’yong pahahalagahan at ingatan kung anong mayr’on kayo dahil hindi tulad n’yo na lahat ay kumpleto ang pangangatawan, o kumpleto ang pamilya.”

“Sipagan n’yo pang mag aral. Tiyak magiging proud ang parents n’yo. Laban lang!” pahabol pa niya.

Para naman sa mga nais pang mag-abot ng tulong para kay Yuan, maaaring ipadala sa Gcash number na ito sa ilalim ng pangalang Hannah Jill Bato: 09949315900. Puwede ring makipag-ugnayan sa Facebook account ni Yuan at sa numerong +63 991 127 8946.

MAKI-BALITA: Estudyanteng naputulan ng paa dahil sa sakit, pumapasok sa paaralan nang nakabisikleta