October 06, 2024

Home BALITA

Lalaking pinaglamayan, inilibing na, biglang umuwi sa bahay nila!

Lalaking pinaglamayan, inilibing na, biglang umuwi sa bahay nila!
Photo courtesy: Screenshots from Balitambayan/Russel Simorio via GMA Regional TV One North Central Luzon

Posible bang bumangon ang bangkay sa kaniyang hukay at umuwi sa kanilang bahay na buhay na buhay?

Iyan kasi ang nangyari sa Barangay Seselangen sa Sual, Pangasinan matapos magulat ang mga kaanak ni Eduardo Gille Sr. nang bigla siyang umuwi sa kanila, gayong nailibing na nila ito matapos akalaing siya ang bangkay na natagpuang hinahampas ng alon sa batuhan sa Burgos, Pangasinan, noong Agosto 4.

Agosto 1 nang umalis daw si Eduardo sa kanilang bahay at tatlong araw na hindi bumalik sa kanila, kaya labis na nag-alala ang kaniyang pamilya.

Ang bangkay ay kalahati na lamang daw, at ang pinagbatayan ng mga kaanak ay ang palatandaan sa paa ng mga labi, kaya inangkin na nila ito at pinaglamayan. Binurol ng dalawang gabi ang mga labi at inilibing noong Agosto 7.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Kaya nang bumalik si Eduardo sa kanilang bahay, ganoon na lamang ang pagkasindak nila. Inakala nilang multo ang dumalaw sa kanila.

Ipinaliwanag ni Eduardo na hindi siya ang bangkay, at sadyang nagpakalayo-layo muna matapos ang tampuhan nila ng kaniyang misis. Hindi naman binanggit sa ulat kung saan siya nagtungo at halos isang linggo siyang nawala at hindi nagparamdam sa pamilya.

Nanghinayang naman ang pamilya ni Eduardo dahil sa gastos nila sa burol at pagpapalibing, para sa maling tao.

Ayon umano sa pulisya ng Burgos, may dalawang pamilya mula sa Dasol at Zambales ang umaangkin din sa bangkay, ngunit sa pagkakataong ito, magsasagawa raw muna ng DNA testing kung kanino mapupunta ang mga labi.