September 20, 2024

Home BALITA Metro

Iniwan lang saglit ng ina: 3-anyos batang lalaki, natagpuang patay sa ilog

Iniwan lang saglit ng ina: 3-anyos batang lalaki, natagpuang patay sa ilog
file photo

Patay na ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki nang matagpuan ng kanyang ina na nakaipit sa malalaking bato sa isang ilog sa Rodriguez, Rizal nabatid nitong Miyerkules.

Tumanggi naman na ang pamilya ng biktimang si alyas ‘Boy’ na paimbestigahan pa ang insidente dahil sa paniniwalang walang naganap na foul play rito.

Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-7:30 ng gabi ng Lunes nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Mango River, Libis Tibag, Brgy. Burgos, ngunit Martes ng umaga na lamang ito naiulat sa mga awtoridad.

Sa salaysay ni Virginia Tagarino, ina ng biktima, nabatid na bago ang insidente ay iniwan nya ang biktima at kapatid nito sa labas ng kanilang bahay, dakong alas-3:00 ng hapon upang maligo.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Matapos lamang aniya ang kalahating oras ay napuna niyang nawawala na ang bata kaya’t hinanap ito sa paligid at sa mga kapitbahay ngunit hindi ito natagpuan kaya’t iniulat ang pangyayari sa barangay.

Nagtulung-tulong ang mga opisyal ng barangay at mga kapitbahay para hanapin ang bata ngunit patay na ito nang kanilang matagpuan habang ang katawan ay nakaipit sa dalawang bato sa ilog.

Hinala ng mga awtoridad na habang naliligo ang ginang ay naglaro ang bata at nakarating sa ilog ngunit minalas na malunod.