September 13, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Isla sa Pagadian City, ginawa raw tapunan ng mga inabandonang aso

Isla sa Pagadian City, ginawa raw tapunan ng mga inabandonang aso
Courtesy: Animal Kingdom Foundation/FB

Nasa 20 buto’t balat nang mga aso ang na-rescue ng Animal Kingdom Foundation (AKF) sa isang isla sa Pagadian City, Zamboanga del Sur na ginawa raw tapunan ng mga inabandonang alaga.

Sa kanilang Facebook post, ibinahagi ng AKF na sa wakas ay narating nila ang Dao Dao Island noong Huwebes, Agosto 1, pagkatapos ng ilang araw na pakikipag-ugnayan sa local government unit (LGU) at kanilang local contacts sa Pagadian City.

Pinursigi ng AKF na makarating sa isla upang i-rescue ang mga aso doon na inabandona raw ng mga dating nag-aalaga sa mga ito.

“It was heartbreaking to see so many dogs, almost all of them are SKIN & BONES and STARVING. Surprisingly, they are all tame and allowed our rescue team to interact,” anang AKF.

Human-Interest

Perwisyo! Netizen gumanti sa kapitbahay na nagparada ng kotse sa harap ng bahay niya

Nasa pangangalaga na ng AKF at kanilang partner animal welfare group sa lugar ang naturang mga nailigtas na aso sa isla.

Samantala, sa ulat ng “24 Oras” ng GMA News, inamin ng kapitan ng barangay na nakasasakop sa isla na naging tapunan ng mga inabandonang aso ang lugar matapos daw itong mawalan ng bantay.

Kumakain umano ng mga sisiw at itlog ang ibang mga aso, dahilan daw kaya’t itinapon ang mga ito sa isla.

Samantala, iginiit ng AKF na iligal ang pag-abandona ng mga hayop at labag ito sa Animal Welfare Act na may parusang pagkakakulong.

Nagpaskil na raw ang AKF Team, kasama ang local Philippine National Police, barangay officials at local animal welfare advocates, ng warning signs sa isla.

Ibinahagi rin ng animal rescue organization na magsasagawa sila ng educational campaign, kasama ang LGU, sa mga kalapit na barangay ng isla hinggil sa tamang pag-aalaga ng mga hayop.