October 06, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Konduktor ng bus na di pinabayaan mga pasahero nang ma-stranded, sinaluduhan

Konduktor ng bus na di pinabayaan mga pasahero nang ma-stranded, sinaluduhan
Photo courtesy: Chloe Dela Cruz (FB)

Paghanga at pagsaludo ang alay ng mga netizen sa isang konduktor ng bus matapos siyang ibida ng isa sa mga naging pasaherong na-stranded sa kasagsagan ng matinding pagbaha dulot ng pananalasa ng bagyong Carina at habagat, noong Miyerkules, Hulyo 24.

Ayon sa Facebook post ng pasaherong si Chloe Dela Cruz, na-stranded ang bus na sinasakyan nila habang nasa Marilao, Bulacan.

"Appreciation post para sa kundoktor ng German Espiritu Liner, Inc. bus na nasakyan namin kahapon ng umaga. (Alfie tawag sa kanya nung isang pasahero. Di ko na nakuha name niya pero sana tama ako ng dinig)," aniya.

Halos pitong oras daw naghintay ng rescue ang mga pasahero sa loob ng bus, subalit wala pang dumarating. Dahil gutom na ang mga pasahero, lakas-loob daw na lumusong sa baha ang konduktor para bumili ng makakain nila. Bukod doon, matiyagang naglakad pa raw ang konduktor para humanap ng rescue sa kanila at nag-assist nang magpasya ang maraming lumusong na sa baha para makaalis na sa loob ng bus.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

"Na-stranded ang bus na sinasakyan ko sa Marilao sa gitna ng baha mga 8am kahapon. Ilang oras kaming naghintay ng rescue pero walang dumating."

"Bandang 4pm, lahat kaming sakay ay halos gutom na. More than 7 hours na kaming stranded. Lumusong yung kundoktor namin sa hanggang dibdib na baha para bumili ng tinapay at tubig para sa lahat."

"4:30pm, lumusong siya ulit at naglakad ng isang oras para humanap ng rescue. Lahat kasi ng tinatawagan namin, hindi na pwede dahil may mga ibang nire-rescue rin."

"5:30pm, mas tumaas ang tubig. May tubig na sa loob ng bus at di na rin ganon ka-stable sa loob. Apat sa amin, nagdesisyon ng lumusong dahil ayaw namin abutan ng dilim sa loob ng bus na nasa gitna ng baha. Imagine yung hanggang dibdib na baha, malakas na current, madumi at mabahong tubig, sinamahan ulit kami ng kundoktor, dinala pa yung mga bags namin sa balikat niya para makapagkapit-kapit kami at walang matangay ng agos."

Akala ng pasahero, iiwanan na sila ng konduktor subalit inassist pa rin daw sila sa pagsakay sa rescue na truck. At bukod doon, bumili pa raw ulit ito ng makakain nila. Ayon kay Dela Cruz, kapuri-puri ang serbisyo ng konduktor para sa kanila.

"Akala ko pagdating sa may mababaw, iiwan niya na kami at hahayaan na umuwi. Nope, sinamahan niya rin kami sumakay sa truck, lumusong ulit, umangkas ulit, lumusong ulit. Lol (pero pagod na pagod na pagod na kaming lahat jusko)"

"Pagdating sa 7-11 Bocaue, bumili siya ng dinner para sa aming lahat. Alam ko naman na pwede yun i-reimburse sa company kinabukasan, pero yung service, and security na prinovide para sa mga pasahero is incomparable."

"Sinamahan niya kami hanggang makasakay sa bus na naghihintay sa may Wakas para maihatid kami sa Bulakan, Bulacan."

Kaya panawagan ni Dela Cruz sa pamunuan ng bus company, "To German Espiritu Liner German-Espiritu Liner Incorporated management, please take good care sa ganitong klase ng employee. Hindi po namin alam kung safe kaming makakauwi if not for him. Kung anuman po ang lagay ng bus na naiwan sa baha kahapon, we're not sure. Pero yung magkaroon kayo ng employee na maaasahan sa kahit anong sitwasyon ay sobrang laking asset na para sa inyong kumpanya. Thank you, at ingat po tayong lahat!"

Napag-alamang ang pangalan ng nabanggit na konduktor ng bus ay "Alfie Sta. Ana."

Sa comment section naman ng viral Facebook post, pinasalamatan ng mga netizen si Alfie at sinabihan nila ang bus company na bigyan ng pabuya, bigyan ng komendasyon, o i-promote siya sa trabaho dahil sa extra mile na kaniyang ginawa.