Trending sa X (dating Twitter) ang socialite at social media influencer na si Cat Arambulo-Antonio ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 25, dahil sa isang TikTok video habang namamaybay ang kotse sa isang kalsadang may baha dulot ng bagyong Carina at habagat.
Makikita sa video na nasa loob ng kaniyang umaandar na kotse si Cat kasama ang mga anak, na aniya'y first time lamang makaranas na dumaan sa baha sa Maynila.
Maririnig sa video na nais ng mga anak na tila maranasan kung paano maglaro sa baha sa pamamagitan ng floatie o kaya'y wakeboarding. Napatanong na rin siya kung safe bang mag-wakeboarding sa baha sa kaniyang yaya.
Sa bandang dulo ng video ay makikitang hindi rin pinalagpas ng baha ang magarang bahay nila.
Hindi nagustuhan ng karamihan sa mga netizen ang pagpo-post na ito ni Cat na anila'y "insensitive" dahil marami sa mga kababayan ang lubos na naapektuhan ng bagyo at baha, at hindi raw ito "cool."
https://x.com/pinoy_reaction/status/1816252893378547766
Narito ang ilan sa mga X post ng netizens:
"May bago na namang entry si Cat Arambulo"
"Hahahaha sinalo niya lahat ng... hahahaha."
"Ano ba yan napaka-insensitive, parang walang kamalayan sa paligid, pasalamat na lang kayo nakasakay kayo sa magarang sasakyan."
"If hindi mo feel ang impact ng bagyo, huwag na lang sana mag-post about it para naman sa feelings ng ibang nasalanta."
"Iba kasi pag inuuna ang kaartehan infairnez may tao na hindi nakakainis ang arte tulad ni Ms Kris Aquino...pero etong si Cat Arambulo ibang level ang kaartehan na may halong kashungahan gurl tsk tsk Gumising ka."
"The case of Cat Arambulo is just an example of how out of touch, vain and oa the rich are. Imagine the level of insensitivity someone has to have to see the storm like it’s the beach where you can use 'floatie' and do wakeboard while lots of people are losing their lives over it."
Samantala, burado na ang nabanggit na TikTok video.
Hindi ito ang unang beses na nag-trending sa X si Cat matapos makuyog ng puna at kritisismo ng mga netizen. Sa kasagsagan ng pandemya, nagpahayag ng pagkadismaya ang social media influencer sa mga taong patuloy pa ring umaalis ng bahay sa kabila ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa.
"God why don't you motherf*ckers stay at home? Stay at home! Don't you guys get it? Tigas ng ulo! This is exactly why they needed the military because you f*ckers won't stay at home. Guys, come on?"
Pinagsabihan ng mga netizen si Cat na ang karamihan sa mga "matitigas ang ulo" na lumalabas pa rin ng bahay ay mga taong kinakailangang kumayod at magbanat ng buto upang mabuhay ang pamilya, lalo't paralisado ang galawan nang mga panahong iyon.
Agad din namang humingi ng paumanhin si Cat sa kaniyang mga nasabi.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Cat sa dahilan ng pagiging trending niya ulit sa X.