April 10, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Hindi kaduwagan yung pinili ko!' Misis ni Nikko, sinupalpal mga apektado sa pagpapatawad niya sa asawa

'Hindi kaduwagan yung pinili ko!' Misis ni Nikko, sinupalpal mga apektado sa pagpapatawad niya sa asawa
Photo courtesy: Nikko Natividad (IG)

Naglabas ng mahabang pahayag sa social media si Cielo Eusebio, asawa ng aktor na si Nikko Natividad, upang sagutin ang mga kritisismong ibinabato sa kaniya matapos kumalat ang umano’y sex video scandal na kinasasangkutan ng aktor.

Matatandaang sa panayam kay showbiz insider Ogie Diaz, inamin ni Nikko na walang kasalanan ang kaniyang asawa sa ginawa niya; hindi sila nag-away kundi "nademonyo, natukso, at bumigay" lang siya. 

Maki-Balita: 'Walang ibang rason!' Nikko Natividad umaming nademonyo, natukso kaya bumembang sa iba

Maki-Balita: Napanood na kasi! Nikko Natividad, inamin sa misis tungkol sa sex video dahil 'wala nang lusot'

Naglabas na rin ng unang pahayag si Cielo tungkol sa pagpapatawad niya sa mister, kahit mahirap man sa kalooban niya, alang-alang daw sa pagmamahal niya sa kaniya gayundin para sa kanilang pamilya. 

Tsika at Intriga

Sey mo Dominic? Selfie nina Rico, Sue minalisya!

Maki-Balita: Misis ni Nikko Natividad, nagsalita na: ‘Masakit na masakit!’

Ngunit tila marami pa rin ang nagsasabing "mali" ang naging desisyon ni Cielo at iginigiit ng marami na hiwalayan na niya ang mister matapos ang mga umano'y ginawa nitong kataksilan sa kaniya.

Kaya naman, sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Marso 10, iginiit ni Cielo na iyon na ang “una at huling beses” na papatol siya sa mga komentong kumukuwestiyon sa kaniyang desisyong patawarin ang asawa.

Ayon sa kaniya, hindi dapat pinakikialaman ng publiko ang personal niyang desisyon bilang asawa.

“Bakit ba apektadong apektado kayo sa pagpapatawad ko sa asawa ko? Bakit ba kinukwestyon n’yo yung desisyon ko? Hindi kaduwagan yung pinili ko. Kayang-kaya ko umalis kung gugustuhin ko pero hindi yun ang gusto ko,” aniya.

Sinabi rin niyang maliit lamang na bahagi ng kanilang buhay ang nakikita ng publiko at wala umanong sapat na kaalaman ang mga netizen upang husgahan ang kanilang sitwasyon bilang mag-asawa.

Kalakip ng kaniyang post ang isang screenshot ng umano’y mensahe ng isang netizen na nagpadala sa kaniya ng mapanuyang komento.

Sa screenshot, mababasa ang mga pahayag na kumukuwestiyon kung bakit niya pinatawad ang asawa at sinasabing “kakatatawanan” siya dahil dito.

Sa mensahe ng netizen, pinayuhan pa siyang hiwalayan ang asawa at tinanong kung paano siya natitiis ng aktor, pati na ang umano’y pahayag na marami pang ibang video ang kinasasangkutan nito.

Ibinahagi ni Cielo ang screenshot upang ipakita ang uri ng panghuhusga at panghahamak na kanyang natatanggap online.

Ipinaliwanag din ni Cielo na matagal nang nangyari ang insidente na may kaugnayan sa kumakalat na video.

Ayon sa kaniya, tatlong taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang isyu at mayroon na silang pangalawang anak matapos ang pangyayari.

"Sasabihin nyo na hindi ba ako nandidiri? Hindi ba ako nasusuka? Oo sige! dapat yan ang maramdaman ko, pero nasa realidad na ako ng buhay tapos na, matagal na. Nag-kaanak na nga kami ulit ng pangalawa ano pa gagawin ko tatlong taon na nakalipas. Ano maglulupasay ako at papahirapan ko sarili ko sa bagay na hindi ko na controlado," aniya.

Dagdag pa niya, humingi na umano ng tawad si Natividad sa Diyos at sa kanilang pamilya at patuloy nitong pinagbabayaran ang pagkakamali.

Hindi umano niya binabalewala ang pagkakamali

Binigyang-diin ni Cielo na hindi niya kinokonsinte o binabalewala ang nagawang pagkakamali ng asawa. Gayunpaman, pinili umano nilang ayusin ang kanilang relasyon bilang pamilya.

"Hindi ko ninonormalize at binabalewala yung ginawa ng asawa ko pero hindi nyo na kailangan malaman ano yung pinagdadaanan namin. Lahat ng nararamdaman at gusto nyo sabihin nasabi ko na yan ,narelease ko na yan, naisigaw ko na yan with matching pagbabasag ng picture frame. Kung pinili naming ayusin ano bang problema nun sa inyo?" aniya.

Nanawagan din siya sa mga netizen na tigilan na ang pagpapakalat at panonood ng nasabing video.

"Let’s be real here. Opinion nyo yan sige di ko maalis yan pero wala ba kayong puso para kimkimin nyo nalang sa sarili nyo yan? Pero sana itigil nyo na yan. Nandidiri kayo sa ginawa ng tao dahil may asawa pero kayo din mismo ang nanunuod pa at nagpapakalat. Please stop!" aniya. 

Sa huli, sinabi ni Cielo na patuloy nilang haharapin ang buhay bilang pamilya sa tulong ng pananampalataya.

“I’m continuing our life and moving forward through the grace of God. Mahirap, hindi siya madali, pero maghihilom din ang sugat,” ani niya.

Binigyang-diin din niya na hindi siya ang unang babaeng nakaranas ng ganitong pagsubok sa relasyon, at hindi rin siya nag-iisang piniling magpatawad dahil sa pagmamahal at pananampalataya.

Nanawagan siya sa publiko na itigil na ang panghuhusga at hayaan silang magpatuloy sa kanilang buhay bilang pamilya.

Photo courtesy: Cielo Mae Bautista Eusebio/FB