September 06, 2024

Home FEATURES Human-Interest

Vice Ganda, inalis kaniyang wig para sa 'EXpecially For You' contestant na may alopecia

Vice Ganda, inalis kaniyang wig para sa 'EXpecially For You' contestant na may alopecia
Courtesy: ABS-CBN It's Showtime/YouTube screengrab

“May wig man o wala, may nagmamahal sa’yo...”

Napuno ng emosyon ang “It’s Showtime” studio matapos tanggalin ni Vice Ganda ang kaniyang wig sa segment na “Expecially For You” para magpakita ng suporta sa contestant na may alopecia.

Sa episode ng “Expecially For You” nitong Biyernes, Hulyo 19, ang contestant na si April ang tumayong searchee, at sinamahan siya ng kaniyang ex na si Andrei.

Kuwento ng dalawa, nagkaroon sila ng magandang relasyon sa loob ng 11 months, pero tinapos daw ito ni April dahil sa kaniyang mga pinagdadaanan, tulad ng pagiging working student, pag-aalaga sa may sakit niyang ina, at ang pagluluksa sa kaniyang ama na pumanaw noong nakaraang taon.

Human-Interest

Mga asteroid na bumabagsak sa mundo, pahiwatig ng suwerte o malas?

Bukod sa mga ito ay isa rin sa mga malaking dahilan kaya raw siya bumitaw ay ang pagkawala ng kaniyang buhok dahil sa sakit na alopecia.

"Wala po akong hair. Naka-wig lang po ako. Kaya nagkaroon ako ng insecurity. Baka mas deserve niya ‘yung ibang babae na hindi siya mahihirap pa," umiiyak na kuwento ni April.

“Sobrang laking impact po sa akin [ng alopecia], 'yung insecurity ng pagkatao ko po. Parang ang baba ko po, ‘yun ‘yung tingin ko sa sarili ko. Mababa po, kasi sa sobrang dami kong problem, tapos ganito pa ako. Pero laban lang po.”

Agad naman siyang niyakap ni Vice at naluluhang ibinahagi rin ng main host ang pinagdaanan  niya nang magsimulang tumaas ang kaniyang hairline at nalagasan ng buhok.

“Noong nalalagasan na rin ako ng buhok sa stress, sobra ‘yung insecurity ko. Malayo ‘yun sa pinagdaanan niya. Ang tagal ng journey ko sa acceptance,” ani Vice.

“Nakakapraning talaga ‘yan pero sa dulo, hindi siya tungkol sa buhok eh. Tungkol ‘yan sa uri ng pagmamahal na mabibigay mo sa sarili mo saka sa ibang tao. At ‘yung pagmamahal na ‘yun, bumabalik. May buhok ka o wala, subukan mo lang magmahal ng sarili mo at ng ibang tao. Babalik ‘yun. At ‘yung pagmamahal na ‘yun ‘pag naramdaman mo, higit pa sahibla ng buhok na pwedeng magkaroon ang ulo,” mensahe rin niya kay April.

“Sana makahanap ka ng lalaki na gusto kang yakapin kahit wala ka nang wig. Hahalikan ka kahit wala ka nang wig. Mag-a-‘I love you’ pa rin kahit wala ka nang wig. One day, someday, you will get that, because you deserve that,” dagdag niya.

Doon na niyakap ng buong “It’s Showtime” hosts maging ni Andrei si April para gumaan ang kaniyang pakiramdam.

Pagkatapos nito, ibinahagi rin ni Vice na isang proseso ng pag-iipon ng kumpiyansa sa sarili ang pagtatanggal ng wig, at doon na niya inalis ang kaniya para kay April.

“Kung makakatulong ‘to para makakuha ng kahit katiting na kumpiyansa si April, why not?” ani Vice.

“Nasa punto na ako na wala na ‘kong pake. Meron nang taong mahal na mahal ako kahit wala akong wig.”

“Hindi na rin ako affected sa mga pangit na pangit sa akin kapag walang wig… May wig o wala, may nagmamahal dito ‘no. May wig o wala, may tumatanggap dito. Bukod kay Ion, mahal ako ng nanay ko, mahal ako ng mga kapatid ko. Mahal ako ni Lord,” saad pa niya..

Pagkatanggal ng wig ni Vice ay muli silang nagyakapan ni April habang umiiyak, na siyang nagpaiyak din sa ibang hosts at mga manonood sa studio.

“In time. Huwag kang magmadali, in your time,” umiiyak na sabi ni Vice kay April.

“This is not for me, but for people like you. Kung makakapagbigay ako sa inyo ng kahit katiting lang na lakas, ‘di ko pagdadamot ‘yun. Para ‘to sa mga taong tulad mo.”

Matapos nito, nagbigay ng mensahe si Vice sa harap ng camera sa telebisyon at sinabing: “In time, matatanggal n’yo rin ‘yan. No pressure. In your time, kapag handa na kayo.”

Ayon sa Mayo Clinic, ang alopecia ay ang pagkalagas ng buhok na maaaring resulta ng “heredity, hormonal changes, medical conditions,” o isang normal na bahagi ng proseso ng isang tao kapag nagkakaedad.