August 21, 2024

Home FEATURES Human-Interest

'Deaf and mute' na ama, gumawa ng paraan para mabilhan ng graduation cake ang anak

'Deaf and mute' na ama, gumawa ng paraan para mabilhan ng graduation cake ang anak
photos courtesy: Lazy Baker Cupcakerie/FB

“Madam, meron po tag-₱100 na cake? Bili po ako kahit maliit lang sana. Pang-graduation po. T.Y.”

Ito ang sambit ng isang ama sa isang cake shop sa Legazpi City, Albay para sa kaniyang anak na nakapagtapos ng pag-aaral. 

Ibinahagi ng Lazy Baker Cupcakerie sa kanilang Facebook page ang kuwento ng isang ama na 'deaf and mute' na nagtanong sa kanila kung mayroon ba siyang mabibiling ₱100 halaga ng cake para sa kaniyang anak.

Sa isang papel isinulat ni tatay ang: "Madam, meron po tag-₱100 na cake? Bili po ako kahit maliit lang sana. Pang-graduation po. T.Y."

Human-Interest

Estudyanteng naputulan ng paa dahil sa sakit, gustong magkaroon ng prosthetic leg

"This morning, a heartwarming story unfolded in our bakery that we couldn't help but share. A familiar face, a man who visits us daily asking for scraps, came in with a special request. Today, his eldest son is graduating, and he couldn't contain his pride and joy. He asked if we had a ₱100 cake to mark the occasion," kwento ng cake shop.

Dagdag pa nila, "Touched by his story and his unwavering love for his son, we gladly offered him a cake to celebrate this significant milestone."

Para raw makabawi, sinabi raw ni tatay na kung kailangan nila ng tulong ay siya na lamang daw. 

"Madam pag may gusto ka po ipa-work or ipalinis dito, ako na lang po, makabawi man lang po ako sa lahat na binibigay mo po sa akin hehehe. God bless your family madam," saad ni tatay. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ikinuwento ni Ma. Jonnavie Losande, admin staff ng Lazy Baker Cupcakerie, kung paano nila nakilala si tatay—hindi pa nila napangalanan dahil hindi raw pumasok sa isip nila na kunin ang pangalan nito.

Kuwento ng admin staff, una raw nilang nakilala si tatay nang lumipat sila ng puwesto sa Cruzada mula sa Bichara.

"Pinakauna po naming encounter sa kaniya no'ng lumipat po kami ng location po. Humingi siya ng tulong na makahingi ng food. Wala po kami mao-offer that time (a year ago na po ito). So, scrap po ng cake 'yung naibigay namin. Since that day po lagi na po siya bumabalik dito sa shop every other day or week po para manghingi ng scrap ng cake," saad ni Losande. 

Dahil deaf and mute raw si tatay, nakakausap lang daw nila ito sa pamamagitan ng pagsulat. 

Nitong Linggo, Hulyo 14, nagtanong daw si tatay sa owner na si Alaiza Carmen Fernandez kung may mabibili nga itong ₱100 halaga ng cake para sa graduation ng anak nitong si Lawrence. 

Ayon sa admin staff, hindi raw nagdalawang isip ang kaniyang amo na gumawa ng cake para kay tatay.

"Nag-ask si tatay if may mabibili siyang na cake na ₱100 kahit maliit lang po para maibigay sa anak niya. Kaya hindi po nagdalawang isip din si owner na i-accept na po 'yung ₱100 para po ma-celebrate din po nila 'yung graduation ng anak niya po," kuwento pa ni Losande.

Bunga ng kanilang pagpo-post sa social media, inulan ng biyaya si tatay dahil sa dami ng gustong magbigay ng karagdagang handa at iba pang tulong.

Ayon sa admin staff, hinihintay raw nilang bumalik si tatay sa shop para masabihan daw nila na maraming gustong tumulong sa kaniya.

"Waiting po kami na pumunta siya ulit dito or makita po ulit namin siya para masabihan po namin na maraming gustong tumulong po sa kaniya. Pinag-iisipan din po kasi namin if may gustong tumulong po sa kaniya [ay] iiwan na lang po rito sa shop po namin para mabigay na lang po namin sa kaniya po."

Habang isinusulat ito, umabot nasa 43K reactions at 13K shares ang Facebook post ng Lazy Baker Cupcakerie.

Tunay ngang iba talaga magmahal ang isang magulang.