Naaresto na ng mga awtoridad ang isang kapwa-akusado ni Pastor Apollo Quiboloy na kinilalang si Paulene Canada.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Hulyo 12, inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na naaresto si Canada sa Davao City nitong Huwebes, Hulyo 11, dakong 1:00 ng hapon, sa bisa ng isang warrant of arrest.
Isang hindi nagpakilalang caller umano ang tumawag sa kanilang hotline upang i-report sa pulis na nakita raw niya ang isang babaeng kamukha ng poster ni Canada na inilabas ng mga awtoridad kamakailan.
Ayon kay Abalos, ang naturang tip ng anonymous caller ang nakatulong upang matunton at mahuli si Canada sa isang bahay halos dalawang kilometro ang layo mula sa regional police headquarters.
Kabilang si Canada sa mga kapwa akusado ni Quiboloy sa kaso ng qualified human trafficking at child abuse.
Kaugnay nito, ipinahayag ng DILG chief na lumiliit na ang pinagtataguan nina Quiboloy at hindi raw titigil ang kapulisan hangga’t hindi sila natutunton.
"Lumiliit na ho ang mga pinagtataguan ninyo. Lumiliit na ang mga lugar na ito dahil hindi ho titigil ang kapulisan, ang military, ang buong pwersa ng gobyerno para kayo ay dakipin,” ani Abalos.
"Please, kung talagang wala kayong kasalanan, sumuko na kayo. Ganoon lang po kasimple ito," dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Abalos, hinamon si Quiboloy: 'Wala kang kasalanan? Sumuko ka!'
Matatandaang kamakailan lamang ay inanunsyo ni Abalos na bibigyan ng ₱10 milyong pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyong magiging dahilan ng pagka-aresto kay Quiboloy.
Samantala, isang milyon naman ang pabuya sa mga bawat kapwa-akusado ni Quiboloy, kabilang na si Paulene Canada.
MAKI-BALITA: P10M pabuya, ibibigay sa makapagtuturo kay Quiboloy -- Abalos