Inihayag sa publiko ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson at Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na dapat daw n nakipag-ugnayan na si Atty. Levito “Levi” Baligod sa kanila kung gusto talaga umano nitong isalang ang 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marine sa kanilang komite.
Ayon sa naging panayam ng media kay Lacson sa Senado nitong Martes, Marso 17, 2026, sinabi niyang wala raw siyang nakikitang “effort” mula kay Baligod para mapatawag niya kahit ang ilan sa 18 ex-Marines.
“He should have communicated with the Committee by now kung gusto niya talagang isalang ‘yong 18 or maybe some of the [18 ex-Marines]” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Wala namang effort talaga e… walang effort na makipag-usap na baka puwedeng tawagin… inoffer ko na.”
Ani Lacson, dapat daw na makita muna nilang logistically at physically possible ang nais ihayag ng 18 ex-Marines upang hindi mauwi sa contempt ang pagharap ng mga ito sa kanila.
“Sabi ko, ‘I should really clarify muna. Ano ba itong sinasabi n’yo.’ Parang do the math at tingnan natin kung physically possible, logistically possible, e ‘di pag-usapan natin at isalang natin,” aniya.
Paliwanag niya, “Ayaw ko lang, iniiwasan ko ‘yong maghe-hearing ka, mauuwi lang sa contempt. Alam mo, wala naman kaming lugar dito. Labingwalo ‘yong ikukulong mo.”
Pagpapatuloy ni Lacson, hindi raw kasi maiiwasan sa iba pang mga miyembro ng kanilang komite na magmosyon na mai-cite for contempt ang 18 ex-Marines.
“Hindi ko naman maiiwasan kung merong mag-motion to cite them in contempt of the Committee. So may magmo-motion diyan tapos magbobotohan kami. E kung ipakulong?” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag si Baligod maging sa kaniyang social media account kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 18 ex-Marines, pumalag sa akusasyong 'gipit lang sila' kaya napilitang lumantad!
KAUGNAY NA BALITA: Male-maletang pera, dinala umano sa bahay nina ex-Rep. Stella Quimbo, Rep. Martin Romualdez—18 ex-Marines