April 17, 2026

Home BALITA National

Male-maletang pera, dinala umano sa bahay nina ex-Rep. Stella Quimbo, Rep. Martin Romualdez—18 ex-Marines

Male-maletang pera, dinala umano sa bahay nina ex-Rep. Stella Quimbo, Rep. Martin Romualdez—18 ex-Marines
Photo courtesy: Screenshot from Banateros (FB)/MB File Photo

Iginiit ng isa sa mga miyembro ng dating security aide ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at isa rin sa mga lumantad na dating miyembro ng Philippine Navy na nagdala sila ng male-maletang pera kina Leyte 1st District Rep, at dating House Speaker Martin Romualdez at dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, na tumayo ring Senior Vice Chairperson ng House Appropriations Committee.

Sa panayam sa 18 ex-Marines sa programang "Banateros" noong Sabado, Marso 14, ipinagdiinan ni ex-Sgt. Rodante Orbillo na naghatid umano sila ng mga male-maletang pera sa bahay ng mga nabanggit na mambabatas.

Si ex-Sgt. Orbillo, batay sa pagpapakilala niya sa simula ng programa, ay nakapasok bilang miyembro ng Marines noong Nobyembre 16,  2000, at na-discharge naman noong Nobyembre 3, 2009. 

Pumasok daw siya kay Co noong Nobyembre 17, 2019, Na-terminate daw siya, kasama ang iba pa, noong Enero 18, 2026. 

Sa panayam sa kaniya, direktang binanggit ni Orbillo na nagdala umano sila ng mga male-maletang pera sa dalawang nabanggit na solon. 

National

PNP, nakahanda sa posibleng pagbabalik-bansa ni Zaldy Co

"Ipinasok 'yong mga maleta doon sa bahay ni Cong. Romualdez. Maidagdag ko lang din doon sa pagdedeliver ko ng male-maletang pera sa bahay ni Congresswoman Quimbo sa Quezon City po, sa bahay niya mismo," aniya.

Sundot na tanong ng host ay kung maleta pa rin ang dinala nila.

"Opo sir. Male-maleta po. Siguro kuwan po talaga 'yon... marami po. Hindi lang 10 o 30, mga 50 pa na maleta kasi may coaster pa siya roon na kulay itim, punumpuno na po 'yon eh. Inililipat na rin doon sa iba pang sasakyan. O hindi kaya, doon sa loob ng bahay niya. Saka may picture pa po. May ebidensya kami," giit pa niya.

Nabanggit din ni Orbillo na nagdeliver din umano sila sa Guado, sa bahay ni Romualdez pero hindi na raw nila alam kung para kanino iyon.

Nilinaw nilang ang tungkulin nila ay maghatid lamang ng mga maleta subalit hindi na nila alam ang mga nangyayari sa loob ng bahay na pinagdalhan nila.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag sina Romualdez at Quimbo tungkol sa mga naging rebelasyon ni Orbillo.

Maki-Balita: 18 ex-Marines, naghatid ng maleta sa kasagsagan ng 2025 elections