April 13, 2026

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Tamang setting ng aircon para makatipid ng hanggang ₱300 kada buwan

ALAMIN: Tamang setting ng aircon para makatipid ng hanggang ₱300 kada buwan
Photo courtesy: Freepik

Unti-unti na ngang nararamdaman ang pagpasok ng dry season sa Pilipinas, at dahil dito, marami sa kabahayan ang maituturing na necessity ang pagkakaroon ng air-conditioner o aircon.

Kaya naman, nagbigay ng paalala ang Department of Energy (DOE) sa publiko hinggil sa wastong paggamit ng aircon upang makatipid sa konsumo ng kuryente, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng temperatura gayundin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa sigalot sa Middle East.

Ayon sa DOE, sa kanilang Facebook post noong Lunes, Marso 16, maaaring makapagtipid ang mga konsyumer ng hanggang ₱300 kada buwan kung itatakda ang aircon sa 24°C o mas mataas, sa halip na mas malamig na setting na 20–22°C.

Ipinaliwanag ng ahensya na ang mas mababang temperature setting ay nangangahulugan ng mas mataas na konsumo ng kuryente, dahil mas pinipilit ng aircon na pababain ang temperatura ng silid.

Batay sa pagtataya ng DOE, ang naturang tipid ay nakabase sa paggamit ng 2.0 horsepower (HP) na aircon na tumatakbo ng humigit-kumulang 8 oras kada araw. Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na maaari pa ring magbago ang aktuwal na matitipid depende sa presyo ng kuryente at tagal ng paggamit ng appliance.

Lifehacks

ALAMIN: ‘Tipid tips’ sa kabila ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo

Hinihikayat din ng DOE ang publiko na ugaliing maging energy-efficient sa paggamit ng mga kagamitang de-kuryente upang makatulong hindi lamang sa pagbawas ng gastusin kundi pati na rin sa pangangalaga sa kapaligiran.

Samantala, kung bibili naman ng aircon, mas mainam kung ito ay "inverter" na.

Kung may aircon na, mas makatutulong din kung regular na lilinisin ang filters at condensers nito.