April 13, 2026

Home BALITA

PNP, umaasang ire-reconsider ng PISTON ang nationwide transport strike sa Marso 19

PNP, umaasang ire-reconsider ng PISTON ang nationwide transport strike sa Marso 19
Photo courtesy: PNP, PISTON


Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na muling ikokonsidera ng transport group na PISTON ang plano nitong nationwide transport strike na ikakasa sa darating na Huwebes, Marso 19.

Sa isang pahayag nitong Martes, Marso 17, iginiit ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na hindi ito ang tamang oras para sa naturang protesta.

“While we understand the concerns being raised by those in the public transportation sector, we hope that they reconsider their decision to hold a strike for this is really not a time for that,” saad ni Nartatez.

Gayumpaman, nanindigan ang PNP chief na handa ang kanilang ahensya hinggil sa nasabing kaganapan.

“Nevertheless, your PNP is ready to maintain peace and order and assist commuters,” anang PNP chief.

Matatandaang kinumpirma ng grupong PISTON noong Lunes, Marso 16 ang nasabing nationwide transport strike.

Anila, ito raw ay pangangalampag sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Ngayong darating po na March 19 ay idedeklara po natin at ilulunsad po natin, hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi sa buong bansa ang isang protesta, welga na pangungunahan ng driver at operator laban sa pagkainutil ng administrasyon ni Bongbong Marcos. Laban sa US aggression, nan kung saan ay nagdudulot ng pahirap sa mamamayang Pilipino,” anang PISTON.

MAKI-BALITA: Transport strike, ikakasa ng PISTON sa Marso 19!-Balita