April 13, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga panawagan ng PISTON hinggil sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, taas-pasahe

ALAMIN: Mga panawagan ng PISTON hinggil sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo, taas-pasahe
Photo courtesy: PISTON


Sa walang-tigil na girian ng mga bansa na nasa rehiyon ng Gitnang Silangan, patuloy din nitong naaapektuhan ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Bunga nito, maraming mga bansa ang maaaring mapilayan—kung kaya’t inaasahan na ang paglobo sa mga presyo ng bilihin, kasama na rin ang pagtaas ng pamasahe sa iba’t ibang pampublikong transportasyon.

Sa Pilipinas, inanunsyo na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taas-pasahe para sa mga pampublikong transportasyon sa bansa.


MAKI-BALITA: ALAMIN: Magkano na nga ba ang pamasahe sa pampublikong transportasyon?-Balita

Dahil sa anunsyong ito, isiniwalat ng transport group na PISTON nito ring Martes, Marso 17, ang kanilang mga panawagan hinggil sa nasabing isyu.

1. Pagtanggal ng VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo.

Iminungkahi ng PISTON na na tanggalin na ang “Value Added Tax” (VAT) at “excise tax” sa mga produktong petrolyo. Anila, agad na mababawasan ang presyo nito sa ₱20 kada litro.

Dagdag pa nila, ang mababawas na buwis ay dapat na kuhain ng pamahalaan sa pork barrel, confidential funds, at intelligence funds.

Giit pa ng PISTON, nararapat lamang daw na patawan ng buwis ang malalaking korporasyon at mga bilyonaryo, kaysa ipinapapasan sa ordinaryong mga Pilipino ang “bigat” ng pondo ng bansa.

2. Gawing ₱55 kada litro ang presyo ng krudo.

Ipinanawagan ng PISTON ang rollback sa presyo ng krudo. Anila, sinasamantala umano ng malalaking korporasyon ang krisis sa langis nang sila ay kumita nang malaki.

Saad pa ng transport group, nanggaling lang daw sa lumang stock ng mga gas companies ang ibinebenta nilang langis, at doon pa lamang daw ay malaki na ang tubo nila.

3. ₱5.00 dagdag-pasahe.

Ang mungkahing ito ay naglalayon lamang daw na siguruhing makabibiyahe ang mga tsuper nang hindi sila nalulugi.

Ayon kasi sa PISTON, ang ₱5 dagdag-pasahe ay aabot lamang daw sa ₱1,000 dagdag-kita nila araw-araw. Anila, kapos pa nga raw ito para maibalik ang dati nilang kinikita.

4. Itaas ang sahod ng manggagawa sa nakabubuhay na antas.

Hinihiling nila ang agarang pagpasa sa batas na may kinalaman sa “family living wage.”

Ayon kasi sa PISTON, tila pababa na ang halaga ng sahod ng bawat manggagawa sa bansa bunsod ng mabilis na implasyon sa Pilipinas.

Ilan lamang din sa mga isinisigaw ng naturang transport group ay ang pagbabasura ng “Oil Deregulation Law,” pagsasabansa ng industriya ng langis, pagtataguyod ng pambansang industriya, at pagtataguyod ng progresibo, makabayan, makamasang pampublikong transportasyon.

Kasama rin dito ang panawagan nilang wakasan na ang agresyon at giyera sa pagitan ng Amerika at Iran, at tigilan na rin daw ang anila’y pagpapakatuta ng gobyerno sa Amerika at sa pangulo nito na si Donald Trump.

Upang iboses ang kanilang mga hinaing, nanawagan pa ang PISTON sa mga kapwa nila operator at drayber na magkasa ng isang welga sa darating na Huwebes, Marso 19.