April 16, 2026

Home FEATURES Lifehacks

Jowang-jowa na? Number 1 tip kung paano lumandi, ipinaliwanag ng dating coach

Jowang-jowa na? Number 1 tip kung paano lumandi, ipinaliwanag ng dating coach
Photo courtesy: Freepik

Sa lipunang Pilipino, kadalasang ginagamit ang salitang “malandi” bilang panlalait—parang agad nitong binabansagan ang isang tao bilang mababa ang moralidad o walang disiplina sa sarili.

Ngunit kung susuriin nang mas malalim, may bahagi ng katotohanan na ang pagiging bukas sa pakikipagkilala, pakikipag-usap, at pagpapakita ng interes sa iba ay natural lamang sa tao.

Basta't gagawin sa hustong edad, konteksto, at pagkakataon, ang tinatawag na “paglalandi” ay maaaring maging simpleng anyo ng pakikipag-ugnayan at paghahanap ng koneksyon; isang hakbang para makilala ang posibleng maging kapareha sa buhay.

Kaya naman, ipinaliwanag ng Science-based dating coach na si "Coach Vee" ang unang tip para simulan ang "paglalandi," sa "#ReelTalk ng ABS-CBN News.

Aniya, nagsisimula raw ang flirting sa "eye contact" o mata sa mata; kumbaga, dapat marunong at hindi naiilang sa pakikipagtitigan.

Lifehacks

ALAMIN: Paglantak ng banana, nagdudulot ng sagad na ligaya!

Paliwanag ni Coach Vee, kapag marunong makipag-eye contact ang isang tao, solb na solb na raw ang landi tips. Dito raw kasi nagsisimula ang lahat. Ibig sabihin, kapag may nakatitigan, posible raw kasing napukaw mo ang interes ng taong iyon.

"Kung may problema ka sa pakikipagtitigan o tumingin sa mata ng mga lalaki o babae, naku, sablay ka na agad sa dating!" anang Coach Vee.

Ginawang halimbawa ng coach ang mga beki na madaling makahanap ng friends sa pampublikong lugar dahil sa kanilang eye contact sa isa't isa. Ang galing-galing daw nila sa "getting to know people" at "meeting new friends."

"Mata pa lang, communicate na. Pag nakita mong may tumitingin sa 'yo, i-enjoy mo ang tingin, tapos balikan mo. Tingnan natin kung sino ang aatras ng tingin"

"Start with your confidence. dapat, kapag tumitingin ka, at tinitingnan ka, dapat huwag ka yuyuko. Develop yourself in a way na medyo mawawala 'yong mga insecurity mo at lalaban ka kapag may nagpapakita sa 'yo ng interes. Kasi mamaya niyan, meron nang lumalandi sa 'yo, eh patay-malisya ka lang," aniya pa.

Pagdating daw sa flirting, dapat marunong daw sa eye contact game ang isang tao.

Bagay na sinesegundahan naman sa report ng BBC noong Pebrero 2024 kung saan sinabi nilang may science sa pakikipag-flirt.

Anila, maaari ding matutuhan ang iba pang kasanayan sa pakikipaglandian. Ang mas bukas at malawak na postura ng katawan, gaya ng paglapad ng tindig, pagharap nang diretso sa kausap, at pagtaas ng ulo, ay nakapagpapataas ng attraction sa romantic context para sa kapwa lalaki at babae.