Ibinida ng Presidential Communications Office (PCO) ang pangunguna ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa pamamahagi ng ₱5,000 cash relief assistance sa humigit-kumulang 139,000 tricycle drivers sa 17 lungsod sa Metro Manila, dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, na epekto naman ng sigalot sa Middle East.
Ayon sa post ng PCO nitong Martes, Marso 17, nagpatupad ng mga hakbang ang pamahalaan upang matulungan ang mga tsuper na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na sinasabing dulot ng umiigting na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinimulan aniya ni PBBM ang pamamahagi ng tig-₱5,000 na cash relief assistance para sa humigit-kumulang 139,000 tricycle drivers sa 17 lungsod sa Metro Manila.
Layunin ng programang matulungan ang mga tsuper na maipagpatuloy ang kanilang pamamasada sa kabila ng tumataas na gastos sa krudo.
Bukod sa mga tricycle driver, inaasahan ding makatatanggap ng kaparehong halaga ng ayuda ang mga jeepney at TNVS drivers. Kabilang din sa mga ipatutupad na tulong ang fuel subsidies at iba pang hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ng transportasyon.
Binigyang-diin ng pamahalaan na patuloy nitong minomonitor ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado upang makapaglatag ng agarang solusyon na magpoprotekta sa kabuhayan ng mga tsuper at masisiguro ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga commuter.
Kalakip ng post ang mga litrato ni PBBM kasama ang mga tricycle driver na nakatanggap ng ayuda.
Maki-Balita: ALAMIN: 30 payout sites ng ₱5k fuel subsidy para sa NCR-based tricycle drivers