April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Pinoy developer, gumawa ng isang app para iwas ‘budol’ sa presyo ng bilihin at gas

#BalitaExclusives: Pinoy developer, gumawa ng isang app para iwas ‘budol’ sa presyo ng bilihin at gas
Photo courtesy: Geian Mark V. Denorte

Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes, Marso 17 ang listahan ng taas-pasahe sa mga pampublikong transportasyon sa bansa, bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo. 

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, bukod sa malaking pagtalon sa presyo ng krudo, nakaapekto rin sa kanilang desisyon upang itaas ang pasahe ay ang gastusin ng Public Utility Vehicle (PUV) operators sa spare parts ng kanilang sasakyan. 

MAKI-BALITA: ALAMIN: Magkano na nga ba ang pamasahe sa pampublikong transportasyon?

Kaya sa sabay-sabay na pagtaas ng pagtaas ng presyong-petrolyo, pamasahe, at ilan pang mga bilihin, kaniya-kaniya ang diskarte ng mga mamamayan, mapa-jeepney drivers man ito, riders, o commuters, para lamang makatipid sa mga gastusin. 

KAUGNAY NA BALITA: Ilang jeepney drivers at riders, todo-tipid na dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina

Human-Interest

ALAMIN: Bakit naaapektuhan ng giyera sa Middle East ang presyo ng langis sa Pilipinas?

KAUGNAY NA BALITA: ‘Surviving this economy!’ Roller skating, alternative na rin sa pagtaas ng presyo ng krudo?

Sa kasagsagan ng mga ito, isang developer ang nakaisip na gumawa ng app upang tulungan ang mga mamamayan na maiging mabantayan ang presyo ng mga bilihin at krudo. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa developer na si Geian Denorte, ibinahagi niyang isa sa mga layon ng kaniyang “Ano Mura” app ay maipakita sa users nito ang mga bilihin na makakatipid sila upang makaiwas sa malaking paggastos sa pamimili. 

“Ang pinaka-goal lang talaga no’ng ‘Ano Mura’ is to show the people ano nga ba ‘yong mura ngayon or kung ano talaga ‘yong pinaka puwede. Iwasan muna ‘yong mga nagmahal,” saad si Geian. 

Aniya, matagal na raw niyang proyekto ang “Ano Mura” at nagsimula ito noon pang panahon ng pandemya, kung saan, siya pa lamang ang nakakalabas sa bahay nila para makapamili. 

Dito raw napagtanto ni Geian na nakakagulat ang mga presyo sa pamilihan, lalo na kung wala masyadong alam ang mamimili sa bilihin. 

Kaya noon ay sinubukan niya itong i-pitch sa mga kaibigan niya sa kolehiyo, ngunit dahil sa kakulangan sa kasanayan noong mga panahong ito, hindi na niya nabalikan ang proyekto. 

Ngunit sa pag-usbong ng iba’t ibang Artificial Intelligence (AI) tools, muli niyang binalikan ang proyekto, kaya ilang araw lamang ang nakalipas, nakakita na siya ng output, dahil bilang developer, naging malaking tulong daw ang AI sa kaniya. 

“Ako lang gumagamit noong una [‘Ano Mura’ app]. Tinry ko, compare-compare sa mga palengke. Tapos tinry ko rin i-share sa family ko. Mukhang okay naman, hindi naman nagkakalayo ‘yong price,” saad ni Geian. 

Dito na niya sinubukang i-share ang proyekto sa isang community page sa social media, kung saan, marami ang natuwa at sumuporta sa app, na pinagmulan ng suggested features na gustong makita ng mga tao. 

Nang tanungin sa mga naging pagsubok ni Geian sa development ng proyekto, binanggit niya na pagkalap ng datos ang sinukuan niya dahil nag-iiiba-iba ito. 

“Dati tina-try ko, pumupunta talaga ako sa palengke, nagtatanong ako ng mga presyo. Eh, hindi siya usable ‘yong gano’n. Kasi nga isang place lang ‘yong kaya kong bisitahin. Dapat buong NCR or buong Pilipinas. [Kaya] parang sinukuan ko na lang siya. Kasi data gathering pa lang, wala na,” ani Geian. 

Ngunit kamakailan, natutuhan naman daw niyang mas reliable ang datos ng Department of Agriculture (DA) para pagbasehan ng mga presyo. 

Bukod pa sa presyo ng mga bilihin, makikita rin sa features nito ay ang presyo ng krudo, na mula rin sa suhestiyon ng users nito, kung saan ang pinagbabasehan naman niya ay ang Department of Energy (DOE). 

Dahil ongoing pa ang development ng kaniyang proyekto, nais niya pa itong dagdagan ng notification system na magsisilbing “heads up” ng user sa mga pagbabago sa presyo. 

Isa pa sa plano niyang ilagay sa proyekto ay ang newsletter na naglalaman ng buod ng mga naging pagbabago sa mga bilihin at krudo, na matatanggap ng users linggo-linggo.