October 05, 2024

Home FEATURES

Lolo't lola na magsasaka, nakapagpatapos ng apo sa kolehiyo

Lolo't lola na magsasaka, nakapagpatapos ng apo sa kolehiyo
Photo Courtesy: Jay Mark Maniquez Espartero (FB)

Tila humaplos sa puso ng mga netizen ang post ni Jay Mark Maniquez Espartero na nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa pagsisikap ng lolo at lola niyang magsasaka.

Sa Facebook post ni Jay Mark kamakailan, ibinahagi niya ang mga larawan at video kung saan makikitang pinuntahan niya ang lolo at lola niya sa bukod habang suot pa rin ang toga.

Ayon kay Jay Mark, hindi raw nagawang pumunta ng kaniyang lolo at lola sa graduation ceremony niya dahil hindi na raw kayang magbiyahe ng mga ito. 

Kaya naman, nangako raw siya sa sarili na pagbalik niya ay magpapa-picture siya sa dalawang taong naging bahagi ng tagumpay niya. At naabutan niya raw sa palayan ang mga ito.

Kahayupan (Pets)

Chimpanzee, 7 buwan kinarga naaagnas na labi ng namatay na anak bago binitiwan

“To my very supportive Lola and Lolo, Mang, Pang Thank you so much for always supporting me even sometimes wala jud tungod sa ka wad-on pero it's ok nalampasan raman japon tabang sa ginoo. I Love you both” saad niya sa caption ng post.

Nagpaabot ng pagbati ang mga netizen hindi lang para kay Jay Mark kundi pati sa lolo at lola nito. Narito ang ilan sa kanilang mga komento:

“Grabeng hilak nako sir, Congratulations po especially to your parents ”

“I don't even know who you are but you really touched the so many people, really can't hold back my deepest emotion. Nakarelate gyud ko Kay ing Ani pud life sa akong family long time ago."

"Congratulations and God bless you on your new journey heading to land for a brighter future.”

“Good luck to your next journey”

“their happy hearts made ur hustle even more worth it "

Sa eksklusibong panayam ng Balita, inamin ni Jay Mark na ang lolo at lola na raw niyang sina Marcelino Maniquez, 73 anyos, at Marteliana Maniquez, 72 anyos, ang nagpalaki sa kaniya simula nang iwan siya ng kaniyang mga magulang.

“Natatandaan ko po 9 months pa lang po ako iniwan ng aking mga magulang sa aking Lola at Lolo,” aniya. 

Ayon kay Jay Mark, hindi raw niya alam ang dahilan kung bakit siya iniwan ng mga ito. Nabanggit din niya na walo raw silang magkakapatid.

Nagpaabot naman siya ng mensahe sa mga kabataang pinanghihinaan ng loob sa buhay at pag-aaral.

“Dapat ‘wag mawalan ng pag-asa kahit ano pa ang estado sa buhay. Hindi dapat susuko dahil kung susuko ka sa hamon na buhay ikaw pa rin ang talo. Kaya hangga’t kaya laban lang sa buhay at ‘wag mawalan ng pag-asa,” sabi ni Jay Mark.

Dagdag pa niya: “Hindi magbibigay ang Panginoon ng pagsubok kung ‘di mo kayang lagpasan. Isa lang tandaan: No matter it takes keep fighting because GOD always be there for us.”

Nagtapos si Jay Mark sa Davao Oriental State University sa ilalim ng programang Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management.