"Guwapo't macho na, matulungin pa!"
Kinakikiligan sa social media ang isang model/pageant titleholder na namamahagi ng tulong sa mga street dweller ay iba pang mga nangangailangan sa pamamagitan ng pamimigay ng pagkain, grocery items, at iba pang mga bagay na masasabing basic necessity ng isang tao.
Kinilala ang nabanggit na personalidad na si Jherald Castañeda, 23, isang commercial model, TikTok influencer, at Mister Glam Philippines 2024.
Makikita sa videos niya ang pamimigay niya ng mga pagkain sa mga nakatira sa kalsada, sa mga bata, at maging sa stray cats at dogs.
Naniniwala umano si Jherald na dapat unahin ang kabutihan sa lahat ng bagay.
Ayon kay Jherald, nagsimula siyang mag-share sa mga nangangailangan pagkatapos ng kaniyang kaarawan noong Abril.
"The reason kaya nag-start ako mag-share is simple lang, masaya ako na nakakatulong ako kahit na sa simpleng bagay lang. Marinig mo lang 'yong pasasalamat nila at 'yong ngiti nila solve na 'yon para sa akin," aniya sa eksklusibong panayam ng Balita.
Kaya naman, hindi kataka-takang maraming naaakit at humahanga sa kaniya dahil hindi lang daw siya may good looks kundi may good heart.