July 03, 2024

Home FEATURES Human-Interest

'Pagod na kong magluksa!' Nurse na isa-isang namatayan ng kapamilya, kinaantigan

'Pagod na kong magluksa!' Nurse na isa-isang namatayan ng kapamilya, kinaantigan
Photo courtesy: Nurse Nemo (FB)

Kay sarap i-alay sa pamilya at mga mahal sa buhay ang tinatamasang tagumpay lalo na pagdating sa trabaho man o pag-aaral, lalo na sa mga magulang na nagtaguyod, gumabay, at nagsikap upang maabot ang mga ito.

Ngunit kakaiba ang kuwento ng nurse-blogger na si Fe Clarisse Joy I. Mariano o "Nurse Nemo" dahil unti-unting nawala sa kaniya ang mga mahal sa buhay, na dapat sana'y kasalo niya sa paglasap ng kaniyang tagumpay sa trabaho at pagpupursigeng makatapos ng pag-aaral, hanggang sa post-graduate programs.

Bukod sa kaniyang bachelor's degree program na Bachelor of Arts in Nursing at isa na siyang registered nurse o RN, natapos na rin niya ang dalawang post-graduate programs kaugnay ng propesyon.

Ito ay ang Master of Arts in Nursing at Doctor in Nursing Management.

Human-Interest

Hunk model na namamahagi ng tulong, pinusuan

Pero ang dapat sanang mga mahal sa buhay na kasama niyang nagsasaya, pinapanood na lamang siya mula sa langit dahil nauna na silang bumalik sa Poong Maykapal.

Kuwento ni Nurse Nemo, unang namatay ang kaniyang Papa na hindi raw nakita ang maraming milestones sa kaniyang buhay.

Sumunod namang nawala ang kanilang butihing Mama na inilarawan niya bilang "superwoman" dahil sa dami ng mga pinasok na pagtitinda at raket para maitaguyod lamang silang magkakapatid, simula nang mabalo ito.

Dalawang taon naman daw ang nakalilipas nang atakihin naman sa puso ang kanilang kuya, na siyang tumayong pangalawang magulang sa kanila. Biglaan lamang daw ang pagkawala nito, at dito ay nakaramdam ng pagkapagod si Nurse Nemo na nawawalan ng mahal sa buhay.

Kaya naman, silang dalawa na lamang ng kaniyang ate ang natira, at dito raw ay mas naging vocal na si Nurse Nemo sa mga nararamdaman niya. Lahat daw ng milestones niya ay nasaksihan ng kaniyang ate, at lahat daw iyon ay sinuportahan niya. Subalit na-diagnose daw na may cancer ang kapatid at binigyan ito ng limang taong taning ng doktor.

Noong 2023, tuluyang pumanaw ang kaniyang ate, ngunit para kay Nurse Nemo, mas masaya siya sa nangyari dahil hindi na raw hinayaan ng Diyos na mahirapan pa siya.

Nawala man unti-unti ang kaniyang pamilya, naging mabuti pa rin ang Diyos dahil pinagkalooban siya ng mabuting asawa at mga anak.

Aminado si Nurse Nemo na nakuwestyon niya ang Diyos dahil sa dinami-rami raw ng tao sa mundo, siya pa ang nakaranas ng ganoong klaseng trahedya.

"Minsan na ako nagtanong kung bakit sa dami ng tao sa mundo, bakit kailangan ko maranasan mga to? Minsan na akong lumuhod sa Diyos nagmakaawa pagod na pagod na ako maiwan. Pagod na ako magluksa.. Pero dahil dito, Nalaman ko na ang greatest asset ko pala ay ang KALAKASANG MULA SA DIYOS.. Kung hindi ako kumapit sknya mula noon.. Baka tuluyan na akong nabaliw, nasiraan ng ulo, o di naman kaya ay tumigil na sa pag seek ng bawat umaga para mabuhay.." aniya.

"I have realized na hindi pala yaman sa mundo, diploma o ano mang estado sa buhay ang mahalaga. Kundi yung matagpuan mo yung estado ng buhay na payapa ka, kuntento, masaya, at higit sa lahat walang inaapakan o ginagambala," dagdag pa niya.

Sa huli, inialay ni Nurse Nemo ang lahat sa Diyos. Nagbigay rin siya ng pag-asa at panghihikayat sa mga taong nakararamdam nang sumuko sa buhay.

"Hindi ko alam kung ano pa ang insinulat ng May likha at may akda ng libro ng buhay ko.. Pero naniniwala ako na bawat pahina, at kabanata, ang mahhighlight doon ay kung gaano kaloyal si Lord sa bawat isa sa atin.."

"Kaya ikaw, laban lang! Kung anu man, asan ka man estado ngayon, Sigurado ako na kapag pinagkatiwala mo sa taas lahat..

lahat ng impossible, ay magiging possible pala.."

"Ang goal sa buhay at di pagandahan ng kotse, bahay o paramihan ng yaman.. Yun ay kung paano mo maisshare sa mga tao kung paano naging mabuti sayo ang Panginoon sa kabila ng lahat ng pagkukulang, at pagkakamali mo sa buhay."

"Thank you Lord! Ikaw talaga to lahat! Gusto kong malaman ng lahat na ikaw ang gumawa, gumabay at kumilos para sa lahat ng wagi natin sa buhay."

Kaya naman, hinangaan ng marami ang katatagan ni Nurse Nemo dahil sa kabila raw ng lahat ng mga nangyari ay nagsumikap pa itong maabot ang mga pangarap at goals sa buhay.

"Congratulations. Kahanga hanga ang testimony mo. God bless you."

"Wow, what a good testimony."

"Ang galing naman... ang tatag po ninyo, napakaganda ng kuwento ng buhay mo. Congrats Doc. God bless you always and your family."

"Congratulations!. Iba talaga pag si Lord ang kumilos sa ating buhay. Manatili lng tayong kumapit sa Kanya at ipagkatiwala ang lahat sa Kanya. God bless you more."

"Praise the Lord sa lahat ng pinagdaanan mo! God bless."

"Nakakaiyak po ang testimony mo, so many heartaches but then you are so strong holding on to your faith. You become stronger for God's blessing."

Proud na proud naman sa kaniya ang mister na si Patrick Mariano, na nagkomento sa kaniyang Facebook post.

"ASAWA KO YAN!!!!!" proud na sabi nito sa comment section.

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 2.8k reactions, 161 shares, at 323 comments ang nabanggit na viral social media post.

Congratulations, Nurse Nemo!