Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na nalulungkot siya sa kaniyang naging pagbibitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), dahil minahal daw niya ang kaniyang trabaho sa ahensya.
Sa eksklusibong panayam ng GMA Integrated News nitong Linggo, Hunyo 23, sinabi ni Duterte na ilan sa mga magagandang karanasan niya bilang DepEd chief ay ang pagbisita niya sa mga eskwelahan at pakikipag-usap sa mga estudyante at guro.
“Yung pagpunta ko sa schools, ‘yung pakikipag-usap ko sa mga estudyante at pakikipag-usap ko sa mga guro. Minahal ko talaga ‘yung trabaho ko kaya nalulungkot ako,” ani Duterte.
Ayon pa sa bise presidente, pumunta raw siya sa opisina ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang personal na iabot ang kaniyang resignation letter bilang kalihim ng DepEd at bahagi ng gabinete, at maayos naman daw ang kanilang naging pag-uusap.
“Sinabi ko sa kaniyang dala ko ‘yung resignation letter ko. Maayos naman ‘yung kaniyang pagtanggap and maayos din ‘yung pagtatapos ng aming pag-uusap,” pahayag ni Duterte.
“We are still friendly with each other on a personal level,” saad pa niya.
Samantala, muli ring binanggit ng bise presidente na ang kaniyang pagkonsidera sa ikabubuti ng DepEd ang nag-udyok sa kaniya upang magbitiw sa pwesto.
“Hindi ko na kinonsider ‘yung reactions ng mga tao. Kinonsider ko lang kung ano ang mas makabubuti para sa Department of Education,” aniya.
Matatandaang noon lamang Miyerkules, Hunyo 19, nang magbitiw si Duterte bilang DepEd secretary.
Matapos ito ay umusbong naman muli ang mga usap-usapang nagwakas na umano ang “UniTeam,” kung saan naging magkakampi sina PBBM at VP Duterte noong nakaraang eleksyon.
https://balita.net.ph/2024/06/20/pagbibitiw-ni-vp-sara-bilang-deped-sec-wakas-ng-uniteam-lagman/