Umaasa si Senador Risa Hontiveros na magpakatotoo na umano si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos itong kasuhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Nitong Biyernes, pormal nang kinasuhan si Guo at iba pang mga indibidwal sa umano’y human trafficking na may kaugnayan sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

National

Alice Guo, kinasuhan na ng PAOCC, PNP-CIDG

BASAHIN: Alice Guo, kinasuhan na ng PAOCC, PNP-CIDG

Sa isang pahayag, umaasa si Hontiveros na tigilan na ni Guo ang umano’y pagmamaang-maagan at pagsisinungaling.

“Sana magpakatotoo na si Mayor Alice Guo. Tigilan niya na ang pagmamaang-maangan at pagsisinungaling. Inaasahan ko parin ang kanyang pagdalo sa susunod na hearing,” ani Hontiveros. “The cases filed also show the inherent value of our Senate inquiries, and of the close cooperation between the Executive and the Legislative that enables us to ferret out the truth.”

Nagpapasalamat din ang senadora sa PAOCC at DOJ-IACAT dahil sa pagpupursige ng mga ito sa pag-raid ng mga POGO.

“Nagpapasalamat din ako sa PAOCC at DOJ-IACAT sa kanilang pagpupursige sa pag-raid ng mga POGO at pag-rescue hindi lang ng mga kapwa nating Pilipino kundi pati na mga dayuhang biktima ng panloloko at pang-aalipusta,” sabi pa ni Hontiveros.

“As author and sponsor of the Expanded Trafficking in Persons Act, I am pleased to see that this law is not only protecting the vulnerable but also holding power to account.

“Kaya umaasa ako na hindi lang din kami sa Senado ang magtutulak na palayasin na ang POGO sa bansa. Sana ang buong gubyerno handa naring manindigan laban sa POGO.”