Pinabulaanan ng 79-anyos na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kumakalat sa TikTok na pumanaw na siya.

Sa isang Facebook live ni Go nitong Huwebes, Hunyo 20, sinabi ni Duterte na matanda na siya ngunit wala naman daw siyang sakit at hindi niya nararamdamang mamamatay na siya kaagad.

“Ako po'y matanda na at hindi natin maiwasan ‘yung balita na nagkasakit. Wala naman akong sakit, at feeling ko hindi naman ako mamamatay ngayon kaagad,” ani Duterte.

Ayon pa sa dating pangulo, nagsilbi na raw siya nang matagal sa taumbayan mula nang maging alkalde siya ng Davao City hanggang maging pangulo ng bansa, kaya’t tapos na umano ang kaniyang karera sa politika at nagpapahinga ngayon sa kaniyang bahay.

National

Bong Go, inalmahan kumakalat na patay na si FPRRD: ‘He’s alive and kicking!’

“Matanda na ako. Nagsilbi na ako sa inyo nang pinakamatagal; mayor ilang taon, presidente. Huwag kayong magtaka kung mamamatay ako,” saad ni Duterte.

“Mas mabuti pang magtanong 'bakit ba buhay pa ‘yan, bakit ayaw nang magpahinga, matanda na.’ Pero kung sabihing nabalitaan ninyo, may chismis na namatay ako, lahat tayo, ikaw, ako, lahat ng kaharap ko sa mundong ito, mamamatay tayo. Hindi ako exception. May katandaan na ako, tapos na akong magsilbi sa buong buhay, sa bayan ko, sa taumbayang Pilipino,” dagdag pa niya.

Samantala, sa naturang live ay sinabi rin ni Go na “very healthy” si Duterte kahit may kaunting daw itong sakit dahil sa may edad na rin ito.