Patuloy pa ring umiiral ang southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Hunyo 20, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Occidental Mindoro, Romblon, Central Visayas, Western Visayas, at Mindanao.

Posible raw ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang posibleng maranasan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA bunsod ng habagat.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng localized thunderstorms, ayon sa PAGASA.

Pinag-iingat din ang mga residente sa mga naturang lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).