Iginiit ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman na dapat huwag lang puro salita ang mga politikong nagsasabing mahal nila ang LGBTQIA+ community, bagkus ay dapat umano nilang patunayan ang sinasabi nilang pagmamahal sa pamamagitan ng pagkilala sa karapatan ng naturang komunidad.

Sa kaniyang dinaluhang Pride Month Celebration and Protest na “Awra Marikina: Rampa ng Pag-ibig at Kalayaan” sa Marikina City nitong Sabado, Hunyo 15, ibinahagi ni Roman na malapit nang maipasa sa House of Representatives ang isinusulong nilang Sexual Orientation, Gender Identity or Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Bill.

“Ito po ay nasa kaunting kembot na lang, mapapasa na sa House of Representatives. Medyo magdedebate pa tayo kasama ng iba pang mga congressman at maipapasa na rin po ito,” ani Roman.

Kaugnay nito, nanawagan ang transgender solon sa publikong katukin ang puso ng mga senador para kilalanin ang SOGIESC Bill, na naglalayong protektahan ang bawat indibidwal laban sa diskriminasyong nakabase sa kanilang SOGIESC.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

“Pwede ba nating katukin ang mga puso ng ating mga senador? Pero dapat gawin natin ‘yan with a smile, kaunting lambing. Kausapin natin sila. Kasi ang mga congressman, ang mga senador ay mga politiko, katulad ko, aminado ako doon,” saad ni Roman.

“Kaya nga lang, kapag sinasabi ng mga politiko na ‘mahal namin ang LGBTQIA+ community,' dapat may patunay. Hindi mo naman pwedeng sabihing ‘I love you' but you don’t show the love,” dagdag pa niya.

Binanggit naman ng kongresista na ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina na si Rep. Stella Quimbo at ang asawa nitong si dating House Deputy Speaker Miro Quimbo, na kapwa nakasama rin niya sa event, ay nagpatunay na raw ng pagmamahal sa LGBTQIA+ community dahil bumoto ang mga ito para sa SOGIESC Bill.

“Pero ‘yung ibang mga politiko, naalala lang tayo pagdating ng halalan, sinasabi na mahal tayo pero hindi naman kinikilala ang ating legal rights. Pagmamahal ba ‘yun?” aniya.

Sinabi rin ni Roman na dapat maging “demanding” na ang bawat isa at alamin kung ang kanilang mga kinatawan sa Kongreso ay kumikilala sa kanilang mga karapatan.

“Huwag kayong makuntentong sabihan kayo ng ‘I love you.’ Dapat kilalanin din ng iba’t ibang mga congressman ang ating mga karapatan sa ilalim ng batas,” saad niya.

Sa kasalukuyan ay nasa period of sponsorship sa Kamara ang SOGIESC Bill.