Ipinahayag ni Police General Rommel Francisco Marbil, hepe ng Philippine National Police (PNP), na nakahanda silang harapin ang posibleng kasong ihahain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga pulis na nagsagawa ng operasyon sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City para isilbi ang arrest warrants ni Pastor Apollo Quiboloy at limang iba pa.

Matatandaang nito lamang Huwebes, Hunyo 13, ay ipinahayag ni Duterte na bilang administrator ng mga ari-arian ng KOJC ay nakatakda raw siyang magsagawa ng “legal at appropriate actions” sa mga pulis na gumamit umano ng “excessive at unnecessary force” sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kina Quiboloy noong Lunes, Hunyo 10.

Kaugnay nito, sa isang radio interview ng “92.3 True FM” ng TV5 na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Marbil na hindi sila natatakot dahil, aniya, ginawa lamang daw ng raiding teams, na binubuo ng mahigit 100 pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Action Force (SAF), at police regional units sa Northern Mindanao (Region 10), Soccsksargen (Region 12), at Caraga (Region 13), ang kanilang trabaho.

National

Sen. Robin, nais paimbestigahan paglusob ng pulisya sa compound ni Quiboloy

“Hindi naman ho kami natatakot because this is a legal order. Hindi naman po illegal ang ginagawa namin. Ito naman ginagawa namin sa mga taong fugitive of the law, ‘yan po ang ineexpect ng mga tao sa amin,” giit ni Marbil.

Samantala, mariing itinanggi ng hepe ng PNP na gumamit ng “excessive force” ang mga pulis na nagtungo sa compound ng KOJC.

Ayon kay Marbil, ang mga tagasunod umano ni Quiboloy ang naglagay ng barikada at binasa pa raw ang mga pulis upang pigilan ang mga itong makapasok sa mga ari-arian ng pastor.

“Hindi po marahas ang mga pulis, mas maraming nasaktan na mga pulis but we have to make it quiet. Talagang ganoon ‘yun ‘pag nagpapa-implement ng batas. Maximum tolerance natin,” ani Marbil.

“’Yung binabasa ng mga tao ‘yung mga pulis, that’s disrespect and we can file sa mga taong ayaw kaming papasukin kaya lang hindi natin ginawa ‘yon,” dagdag niya.

Samantala, matapos niyang malamang nakatakdang magsagawa ng “legal at appropriate actions” si Duterte laban sa naturang mga pulis, sinabi ni Marbil na inatasan niya ang legal team ng PNP na tingnan kung maaari rin silang magsampa ng kaso laban sa mga nagtangkang pigilan silang makapasok sa loob ng KOJC.

“Ang hinuhuli natin is a fugitive of the law. I just want to make it clear, hindi po mga ordinaryong tao ito. Anim po silang hinahanap natin, ang kaso nila is child exploitation, illegal human trafficking and these are no bail,” giit ni Marbil.

Magpapatuloy naman daw ang PNP sa paghahanap kay Quiboloy.

Ang naturang pagsisilbi ng warrants ng mga pulis noong Lunes ay kaugnay umano sa inisyu ng Pasig City court para sa mga kasong qualified human trafficking cases na isinampa laban kay Quiboloy at sa limang iba pa.

Bukod sa mga kaso ng qualified human trafficking, nahaharap din ang pastor sa mga kasong child at sexual abuse sa Davao City.