Ibinahagi ni House Speaker Martin Romualdez ang kaniyang mensahe para sa paggunita ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Kabilang si Romualdez sa mga nanguna sa paggunita ng naturang pagdiriwang sa Simbahan ng Brasoain sa Malolos, Bulacan.

Kaya naman sinariwa niya ang malaking papel na ginampanan umano ng nasabing simbahan sa kasaysayayan kung saan isinilang ang kauna-unahang Republika ng Pilipinas.

Aniya: “Saksi ang mga dingding dito sa pagtatag ng ating Kongreso taong 1898, kung saan naganap ang kauna-unahang sesyon ng ating lehislatura. Dito rin inihain at isinulat ang Saligang Batas ng Malolos, na nagbigay daan sa ating pagiging malaya mula sa pananakop.”

National

PBBM, nakiisa sa paggunita ng Araw ng Kalayaan: ‘We stand united as ever’

“Ang mga sakripisyo at kabayanihan ng ating mga ninuno dito sa Barasoain ay isang paalala sa atin ng tunay na diwa ng kalayaan. Sa kanilang tapang at determinasyon, natamo natin ang ating kalayaan. Sila ang nagbigay ng daan upang tayo ay mamuhay nang malaya at marangal. Dito sa Simbahan ng Barasoain, nagbuklod-buklod ang ating mga ninuno upang itaguyod ang isang bansang malaya at may dignidad,” saad ni Romualdez.

Kaya hindi hindi lamang paggunita umano sa kanilang kabayanihan ang araw na ito kundi pagtanggap din natin sa iniwan nilang hamon sapagkat ang kalayaan daw ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad. 

Ayon sa kaniya: “Tayo, bilang mga Pilipino sa makabagong panahon, ay may tungkuling ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan-hindi lamang laban sa mga mananakop, kundi laban sa kahirapan, katiwalian, at kawalan ng katarungan.”

“Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan. Pagkakataon din ito para tayo'y magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. Sa bawat hakbang natin patungo sa kaunlaran, nawa'y lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno,” dagdag pa ni Romualdez.

Samantala, bukod kay Romualdez, nagbahagi rin ng kanilang mensahe sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte.

https://balita.net.ph/2024/06/12/vp-sara-sa-araw-ng-kalayaan-ipagpatuloy-natin-ang-pagtutulungan-at-pagkakaisa/