Isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ang kasakuyang nakaaapekto sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Hunyo 11.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni Weather Specialist Rhea Torres na huling namataan ang LPA 145 kilometro ang layo sa west northwest ng Butuan City, Agusan del Norte.

Inaasahang magdudulot ito ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Visayas, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Agusan del Norte.

Sa ngayon ay mababa naman ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA at posible na itong malusaw ngayong Martes, ayon kay Torres.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Samantala, inaasahang makararanas ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa ng mainit ng panahon sa tanghali, na may tsansa ng isolated rainshowers o thunderstorms sa hapon o gabi dahil sa localized thunderstorms.

Bukod dito ay hindi naman nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa alinmang bahagi ng bansa ngayong Martes, ani Torres, ngunit sa mga susunod na araw ay posible raw itong magpaulan muli sa kanlurang bahagi ng kapuluan.