Inihayag ni Senador Migz Zubiri na pinakiusapan siya ni Pope Francis na protektahan ang pamilyang Pilipino, nang bumisita siya sa Vatican kasama ang kaniyang pamilya.

Sa isang Facebook post nitong Linggo, Hunyo 9, ibinahagi ni Zubiri, isang debotong Katoliko, na nakadaupang-palad niya si Pope Francis sa lingguhang katekismo nito, kung saan nag-aalay rin ito ng mga dasal para sa kapayapaang pandaigdig noong Hunyo 5, 2024.

“Ipinagdasal namin ang ating mahal na bansa at ang ating mga lider, na sana ay maliwanagan palagi sa tamang desisyon, kahit hindi ito ang popular na desisyon,” ani Zubiri.

Kaugnay nito, binanggit ng senador na bukas siya sa diskusyon hinggil sa panukalang diborsyo sa bansa, ngunit malakas daw ang kaniyang paniniwala sa kabanalan at katibayan ng kasal.

National

Zubiri, magbabakasyon daw muna mula sa ‘backstabbing’ sa politika

Isa si Zubiri sa ilang mga senador na nagpahayag ng pagtutol laban sa panukalang divorce matapos itong ipasa kamakailan sa huling pagdinig ng House of Representatives.

Kaugnay nito, sa kanilang pagkikita ay ibinahagi raw ni Zubiri sa Santo Papa na isa siyang “pro-life” at “pro-family” na mambabatas mula sa Pilipinas, at ang sinagot naman daw sa kaniya ng Santo Papa ay: “please protect the family.”

“Napaka-special ni Lolo Kiko sa ating mga Pilipino, at na-feel ko na special rin tayo sa kanyang puso, bilang isa sa mga pinaka-Katolikong bansa sa mundo,” ani Zubiri.

“Palagi kong tatandaan ang kaniyang paalala, at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para protektahan ang mga family values na pundasyon ng ating bansa,” dagdag niya.

Samantala, ibinahagi ng senador ang kaniyang pasasalamat na nakasama silang pamilya sa mga piling bisitang nabigyan ng pagkakataon na makilala at makatanggap ng personal na basbas mula kay Pope Francis.

“Bilang Katoliko at Kristyano, greatest honor of my life na makita ang ating Santo Papa na si Lolo Kiko, lalo na at nakasama pa namin ang aming mga anak,” ani Zubiri.

“First time ito in two years na nagkaroon ako ng pagkakataon na ibigay ang buong atensyon ko sa aking pamilya, kaya talagang gusto kong ipasyal sila para sa aming family time—all on my personal expense, of course.”

“Napakahalaga sa aming pamilya ng aming Catholic faith, kaya very humbling na matanggap ang oras at atensyon ng Santo Papa. Mukhang natuwa pa siya sa bunso namin, na sinabihan pa niyang mag-aral ng Spanish,” saad pa niya.

Kasalukuyang nasa Europa si Zubiri para magkaroon daw ng “short sabbatical away from politics,” at makasama ang kaniyang pamilya para sa “long-promised quality time.”

Matatandaang kamakailan lamang ay sinabi ng senador na magbabakasyon muna siya mula sa “backstabbing” sa politika matapos daw ang kaniyang mga nalaman kasunod ng pagpapatalsik sa kaniya bilang pangulo ng Senado.