"Mahirap mag-review habang hindi mo alam kung paano magluluksa."
Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa kuwento ng isang licensed professional teacher na si Mariel Gatdula Esteron matapos niyang isalaysay ang kuwento sa likod ng kaniyang pagpasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) na ginanap noong Marso 17, 2024 at inanunsyo lamang noong Mayo 24.
Aniya, naging mahirap sa kaniya ang pagre-review dahil sumabay ito sa pagluluksa niya sa pagpanaw ng Nanay Edith niya, ang kaniyang lolang nagsilbing parang magulang na sa kaniya.
"Napakahirap sa akin ang exam na 'to. (Sa lahat naman huhu) Ilang beses kong muntik sukuan pero nag-exam pa rin ako. Ayon pala makakapasa ako. đ«¶," aniya.
Muntik na raw niyang sukuan ang LET dahil sa iba't ibang hirap na kaniyang dinanas sa panahon ng pagre-review.
"Simula October lahat ng masasakit at hirap, dinanas ko. Kaya sobrang hirap talaga at ilang beses ko na itong muntik sukuan. Sinabi ko sa mga kaibigan ko na hindi ko na kaya, kaya sa susunod na LET na lang ako mag-eexam para kako okay na ako.
Sobrang lungkot talaga to the point na hindi ko na nafifeel yung sarili ko at palaging umiiyak."
"Sa buong review ko, wala talagang pumapasok sa isip ko. Clouded utak ko at the same time sobrang bigat talaga ng kalooban ko. Sobrang tumaba rin ako kakastress eating. Bwahahaha. 2 weeks before exam hindi na ako natutulog. Tapos tuwing magbubukang liwayway, ayan na naman. Malungkot na naman. Kasi ayon na yung oras na maririnig ko na pagwawalis ng nanay Edith ko."
"Tuwing alas-10 ng umaga, manggigising at papakainin ako no'n kasi alam niyang gutom ako sa mga oras na iyon. Pero lahat ng nakasanayan ko na nandiyan siya kapag nahihirapan ako, wala na. Kasi wala na siya. Kaya yung hirap mas dumoble pa."
Masakit man daw na hindi na masasaksihan ng kaniyang lola ang panibagong milestone sa buhay niya, alam niyang nakasubaybay ito sa kaniya at hindi siya pababayaan.
"Ang sakit isipin na hindi na niya makikita itong achievement ko na ito. Pero alam kong kasama ko siya magmula noong una hanggang sa pagtake ko. Alam kong nandiyan lang siya para sa akin. Kasi hindi niya ako hahayaan at papabayaan."
"Nanay, para sa iyo 'to lahat. Hindi mo man ito nakita pero alam kong nakikita mo ito sa langit. Nanay, LPT na po ako. Una't huling grumaduate on time sa pamilya at unang board passer sa pamilya ni Ma'am Ambel at Kon. Aye. May PROFESSIONAL TEACHER na si Ambel at si Aye, nanay. Sana proud kayo ni tatay Joe sa langit habang nanunuod. Huwag mo na akong ipagmayabang diyan ha? Nahihiya po ako. Hahahaha," aniya.
Bukod sa kaniyang lola, inialay rin niya ang pagiging isang ganap na guro sa kaniyang mga magulang at sa iba pang mahahalagang tao sa buhay niya.
Nagpasalamat din si Mariel sa Diyos dahil sa mga biyayang natanggap niya sa buong journey ng kaniyang pag-aaral hanggang sa makapasa na nga sa LET.
"At kay Lord, thank you so much po! Papuri at pasasalamat po sa iyo. Kayo po ang may gawa nito. Alam ko pong kayo po ito. đ kahit madaming doubts, hinding hindi bumitaw. Sabi ko nga po sa mga dasal ko palagi, magtitiwala't maniniwala lang po ako sa inyo. Alam ko pong hindi niyo ako pababayaan. At hinding hindi niyo po ako bibiguin. Maraming maraming salamat po. Pakiingatan po ang nanay Edith at tatay Joe ko po riyan sa langit, ha?"
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mariel, sinabi niyang sa ngayon daw ay naghahanap na siya ng mapapasukang paaralan upang makapagturo na.
"Applying po ako. For the mean time, nagtu-tutor pa lang po ako. Also may inaasikaso po akong organization po na binuo ko po para sa mga bata. And may apat na scholars din po sa org sponsored po ng isang family sa Maryland na inaasikaso ko rin po," aniya.
Nagtapos si Mariel ng degree program na Bachelor of Elementary Education sa Polytechnic University of the Philippines-Bataan.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o âdi kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!