Napanatili ng bagyong Aghon ang lakas nito habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes ng umaga, Mayo 24.

Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang tropical depression Aghon 240 kilometro ang layo sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Taglay nito ang maximum sustained winds na aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Dahil dito, itinaas ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Luzon:

  • Sorsogon
  • Albay (Manito, Legazpi City, City of Tabaco, Rapu-Rapu, Santo Domingo, Malilipot, Bacacay, Malinao, Tiwi)
  • Catanduanes 
  • Camarines Sur (Caramoan, Garchitorena, Presentacion, Sagñay, San Jose, Lagonoy, Tigaon)

Visayas: ⁣⁣

  • Eastern Samar
  • Samar
  • Northern Samar
  • Leyte (Babatngon, Tacloban City, Palo, Tanauan, Tolosa, Dulag, Mayorga, Macarthur, Abuyog, Javier) 
  • Southern Leyte (Silago, Hinunangan, Hinundayan, Anahawan, San Juan, Liloan, Saint Bernard, San Ricardo, Pintuyan, San Francisco)

Mindanao

  • Dinagat Islands
  • Surigao del Norte kabilang na ang Siargao - Bucas Grande Group 
  • Surigao del Sur (Carrascal, Cantilan, Madrid, Carmen, Lanuza, Cortes, City of Tandag)

Posible raw makaranas ang naturang mga lugar ng maulap na kalangitan na may kasamang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin.

Base rin sa forecast track ng PAGASA, naasahang lalapit at mag-landfall ang bagyong Aghon sa bahagi ng Eastern Samar bukas, Sabado, ng umaga bilang isang “tropical storm.”

Pagsapit naman ng Linggo, Mayo 26, inaasahang lalakas pa ang bagyo at itataas sa “severe tropical storm” habang magsisimula itong mag-recurve pa-northeast o north northeast sa katubigan ng silangang Luzon. 

Posible namang itaas pa ang bagyo sa “typhoon” category pagsapit ng Martes, Mayo 28, hanggang sa paglabas nito sa PAR.