Sino nga bang hindi maiiyak kung ang malaking halaga ng perang inimpok mo, bigla na lang maglalahong parang bula dahil sa... anay?

Sa ulat ng ABS-CBN News, napaiyak na lamang daw sa galit at panghihinayang ang netizen na si Sherell Ampong mula sa Governor Generoso, Davao Oriental, nang matuklasan niyang halos luray-luray na ang mga perang inipon niya sa isang alkansyang karton, na aabot na sa ₱35,000.

Salaysay ni Ampong, isinilid niya ang alkansyang karton sa kaniyang cabinet kasama ang mga damit. Ang cabinet naman ay gawa sa kahoy.

Hindi sukat akalain ni Ampong na maglalaho ang kaniyang ipon na ipambibili niya sana ng laptop at gadget ng kaniyang mga anak, na nasa kolehiyo at senior high school.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Sa susunod daw ay hindi na niya ilalagay sa alkansyang karton ang mga iipuning pera, at ididiretso na ito sa bank account.

Posible pa bang maibalik ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga pera ni Ampong?

Ayon sa BSP, puwede pang dalhin sa kanila ang mga nasirang pera o bills basta't ang "surface area" ay hindi bababa sa 3/5 ng orihinal na sukat nito.

Bukod dito, dapat ay nakikita pa rin ang pirma ng nakalagdang Pangulo ng Pilipinas o Gobernador ng BSP, at ang presensya ng Embedded Security Thread (EST) o ng Windowed Security Thread (WST).