Isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros na walang record of birth at marriage ang mga magulang ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Naungkat sa Senate hearing nitong Miyerkules, Mayo 22, ang mga impormasyong nakasaad sa birth certificate ng Bamban mayor at maging ng mga kapatid nitong sina Shiela at Seimen Leal Guo.

National

Matapos sabihing 'love child,' inabandona ng ina: Mga magulang ni Alice Guo, kasal daw

Base sa birth certificate ng magkakapatid, kasal ang mga magulang nila na sina Angelito Guo at Amelia Leal.

Binigyang-diin ni Senador Raffy Tulfo, hindi lang isang beses na ikinasal ang mga magulang ni Mayor Alice kundi dalawang beses.

Nakasaad sa birth certificate nina Mayor Alice at Shiela, ikinasal noong Oktubre 14, 1982 ang mga magulang nila pero sa birth certificate naman ni Seimen, Enero 21, 1987 ikinasal sina Angelito at Amelia.

Ipinacheck ito ni Hontiveros sa Philippine Statistics Authority (PSA), lumabas na wala umanong record ng kasal sina Angelio at Amelia.

“At ito ang higit pang malala, walang birth record at all sina Angelito Guo at Amelia Leal. So, maitatanong talaga, hindi po kaya [na sina] Angelito Guo and Amelia Leal Guo, don’t even exist?” saad ng senadora.

“Hindi ko maklaro, lumalabo po ‘yung kwentong buhay ninyo,” dagdag pa niya.