Naisiwalat sa Senado na kasal umano ang mga magulang ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na sina Angelito Guo at Amelia Leal, matapos nitong sabihin na isa siyang “love child” at inabandona raw siya ng kaniyang ina na kasambahay.

Matatandaang sa isang panayam na inilabas nitong Lunes, Mayo 20, isiniwalat ni Mayor Alice na isa raw siyang “love child” at inabandona raw siya ng kaniyang ina noong bata pa lamang siya.

National

Mga magulang ni Alice Guo, walang record of birth at marriage

“Alang-alang sa aking mga kababayan na nagtitiwala at nagmamahal sa akin ay buong tapang ko pong sasabihin na ako po’y isang LOVE CHILD ng mahal kong ama sa aming kasambahay. Na ako po ay iniwan ng aking biological mother bata pa ako noon. At ako’y pinalaki at itinatago sa loob ng isang farm. Pinalaking matindi ang pag-iwas sa mga bagay na magbibigay sana sa akin ng pagkakakilanlan sa labas ng aming hog raising farm,” ani Guo.

BASAHIN: Mayor Alice Guo, isa raw ‘love child’; inabandona ng inang kasambahay

Kinuwestiyon sa Senate hearing nitong Miyerkules, Mayo 22 ang mga impormasyong isiniwalat ni Mayor Alice sa naturang pahayag.

Naungkat din ang mga impormasyong nakasaad sa birth certificate ng Bamban mayor at maging ng mga kapatid nitong sina Shiela at Seimen Leal Guo.

Sinabi ni Mayor Alice na hindi niya raw kilala sina Shiela at Seimen dahil ang alam umano niya siya lang ang anak ng kaniyang mga magulang. Gayunman, kamakailan lamang daw niya nakumpirma na kapatid niya ang mga ito nang itanong niya sa kaniyang ama.

Sa naturang hearing, kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo at Senador Risa Hontiveros, base sa birth certificate ng magkakapatid, kung bakit nakalagay na kasal sina Angelito at Amelia kung base sa unang sinabi ni Mayor Alice ay kasambahay ng ama niya ang kaniyang ina.

Sagot naman ng Alkalde, hindi raw siya ang naghanda ng birth certificate niya kaya hindi niya raw alam.

Binigyang-diin pa ni Tulfo na hindi lang isang beses na ikinasal ang mga magulang ni Mayor Alice kundi dalawang beses.

Base sa birth certificate nina Mayor Alice at Shiela, ikinasal noong Oktubre 14, 1982 ang mga magulang nila pero sa birth certificate naman ni Seimen, Enero 21, 1987 ikinasal sina Angelito at Amelia.

Samantala, isiniwalat ni Hontiveros na walang certification of marriage at wala ring record of birth ang mga magulang ni Mayor Alice--bagay na kumukwestiyon kung totoong tao ang mga ito.